PDBF NAKIRAMAY SA PAMILYA NG MGA NASAWING MIYEMBRO NG DRAGON BOAT TEAM

Dragon boat team

NAGPARATING ng taos pusong pakikiramay sa mga kaanak ng mga nasawi ang Philippine Dra­gon Boat Federation (PDBF), ang national sports organization sa bansa, sa tumaob na dragon boat sa baybaying sakop ng Sitio Lingganay, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay na ikinamatay ng walong miyembro ng Dragon Boat team.

Kasalukuyang nasa funeral homes na ang mga labi ng nasawi habang nananatili pa rin sa isang pribadong ospital ang 13 na survivors kabilang ang Chinese at Russian nationals.

Napag-alaman na ang 21 miyembro ng Dragon Boat team ay nagsasanay para sa isang international dragon boat competition nang maganap ang insidente.

Nauna nang sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan, base sa kanilang imbestigasyon na nasa layong halos 300 metro mula sa dalampasigan ang nasabing bangka nang hampasin ng malakas na alon dahilan para tumaob ito.

Napag-alamang ang ilan sa mga sakay ay sinikap na lumangoy papuntang dalampasigan habang ang iba naman ay piniling humawak sa lumubog na bangka. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.