PDEA AGENT AT ASSET TIMBOG SA RAID

NBI AGENTS

LAGUNA – HINDI na nagawa pang makapalag sa pinagsanib na miyembro ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at San Pedro-PNP ang itinuturong kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at asset nito matapos ang ikinasang operasyon sa kanila umanong safehouse sa Brgy. Pacita 1, Lungsod ng San Pedro kamakalawa ng hapon.

Base sa ulat ni PIB Chief PMaj. Ryan Jay Orapa kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naarestong PDEA Agent na si 101 Richard Gaufo y Reyes, 39-anyos, binata, kasalukuyang nakatalaga sa PRO-CAR, residente ng Jude Village, San Fernando City, Pampanga at ang itinuturong asset nitong si Joseph Martin Patrick Alfonso Borjal, 39-anyos, ng Gregorio Del Pilar St., Brgy. Pacita 1 ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, sinasabing dakong alas-2:30 ng hapon nang salakayin ng mga operatiba ang naturang safehouse bitbit ang search warrant kaugnay ng paglabag ng mga ito sa kasong RA-10591 (Illegal Posession of Firearms and Ammunitions).

Nakumpiska sa mga suspek ang isang Glock 22 austria caliber 40, thompson machine pistol caliber 45, norinco caliber 45 without serial no, 10 piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng shabu, magazine at maraming bala,  holster, fragmentation grenade, drug paraphernalias, back pack, 2 sling bag, kabilang ang pekeng PDEA ID na gina­gamit ng asset na si Borjal.

Sa talaan, lumilitaw na dati na umanong naaresto ng Sta. Rosa City-PNP ang suspek na si Borjal noong nakaraang taon dahil sa paglabag nito sa kasong Usurpation of Authority, Sec 11 of RA 9165 at paglabag sa RA 1059.

Kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspek sa San Pedro City-PNP Lock Up Cell para harapin ang kasong isasampa laban sa mga ito. DICK GARAY

Comments are closed.