PDEA AT PNP MAGTUTULONG SA PAGTUGIS SA NINJA COPS

PNP-PDEA

MAKIKIPAGTULUNGAN ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Philippine National Police (PNP) para sa isang joint operation laban sa “ninja cops” o mga pulis na nagre-recycle ng mga nakukumpiskang ilegal na droga.

Sinabi ni PDEA director-general Aaron Aquino na nagkausap na sila ni NCRPO chief Guillermo Eleazar at naikumpara ang listahan ng mga pulis na sangkot sa recycling at pagbebenta ng mga ilegal na droga.

Aniya, partikular na target ng isasagawang operasyon ang mga police official na kasabwat o kasosyo ng tinaguriang “drug queen.”

Ipinahayag pa ni Aquino na ilan sa kanyang listahan ay wala sa hawak ni Eleazar kung kaya’t aalamin pa kung saan sila nakadestino at kung aktibo pa sa serbisyo.

Handa namang isumite ni Undersecretary Aquino kay Pangulong Rodrigo Duterte ang komprehensibong report kaugnay sa transaksyon ng “drug queen” sa mga tiwaling opisyal ng PNP.

Binanggit nito na kapag may nakukumpiskang ilegal na droga ang “ninja cops,” dinadala ito kay “drug queen” upang ibenta ng mas murang halaga na siya namang ipapakalat sa mga drug pusher.

Kumpiyansa naman si Aquino na sa lalong madaling panahon, magkaroon din ng matagumpay na operasyon laban kay “drug queen” na ilang beses daw nakakalusot maging sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).    BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.