AGAD bumuo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 9 ng ‘tracker team’ upang tugisin ang pitong preso na nakatakas sa kanilang jail facility sa Zamboanga City nitong Lunes ng madaling-araw.
Pinaghahanap na ngayon ng PDEA tracker team ang mga nakatakas na preso o persons deprive of liberty (PDL) na sina Wilson Indanan Sahiban; Junjimar Hajili Aiyob, 29-anyos; Jimmy Angeles Sahibol, 30-anyos; Kerwin Mohammad Abdilla, 41-anyos; Albadir Mala Ajijul, 28-anyos; Muhajiran Romeo Jumlah, 27-anyos, at Amil Khan Mahadali Abubasar, 26-anyos.
Sa report ng PDEA, ang pitong nasabing preso ay nakaeskapo sa detention facility sa Upper Calarian, Zamboanga city, bandang alas-2:45 ng madaling araw nitong Lunes.
Laking gulat na lamang umano ng mga duty jail guard nang makitang iisa na lamang ang preso mula sa nasabing piitan.
Nakita naman ang isang maliit na butas sa kisame na umanoy dinaanan ng mga tumakas na bilanggo.
Ang pitong pugante ay kabilang sa mga naaresto sa itinuturing na pinakamalaking huli ng shabu ng PDEA Region 9 nitong Mayo 3.
Magugunitang sa nabanggit na buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Philippine National Police (PNP) Regional Office 9 ay nasamsam sa mga suspek ang 21 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P145.5 milyon.
EVELYN GARCIA