MALABONG usapan pa ang drug test sa mga elementary students dahil hindi pa nagkakasundo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Department of Education (DepEd) kaugnay ng panukalang mandatory drug testing sa Grade Four students pataas.
Sa report, nakatakdang magpulong ngayong linggo ang dalawang ahensya.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kinokompleto nila ang mga kaukulang datos upang makumbinsi ang mga kinatawan ng DepEd na pumayag sa kanilang proposisyon.
Matatandaang tutol si DepEd Sec. Leonor Briones sa nasabing panukala ng PDEA.
Ani Briones, puwedeng isagawa ang drug testing sa mga high school student ngunit napakabata pa ng elementary students para rito.
Gayunman, iginiit ni Aquino na pabata nang pabata ang nahuhumaling sa droga, at nakipag-usap na umano siya sa ilang mambabatas tungkol dito.
Handa na umano ang badyet para dito, at maging ang Malacañang ay nagpahayag din umano ng suporta.
Gayunman, dahil napakabata nga ng grade schoolers, sinisiguro ng PDEA at DepEd na bubusisiin nilang mabuti ang rules bago isagawa ang drug testing. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.