PDLs INILIPAT SA BAGONG JAIL FACILITY

INIHAYAG ng Bureau of Jail Management and Penology – National Capital Region (BJMP-NCR) na sinimulan na ang paglilipat mula Quezon City jail ng persons deprived of liberty (PDLs) sa bagong pasilidad nito sa Payatas.

Layunin nito na maresolba ang problema ng siksikan sa Quezon City Jail na ayon sa BJMP-NCR ay mayroong 2,981 male population.

Nitong Marso ay nasa 364 na nakatatanda at persons with disabilities and comorbidities ang inilipat sa Payatas ng BJMP.

Magugunitang, Marso 2022 nang opisyal na isalin ng QC government sa BJMP ang 2.4-hectare jail facility.

Sumusunod ang bagong QC jail sa itinakdang pamantayan ng United Nations na tatlong gusali na may limang palapag, 440 selda na ang bawat isa ay may sapat na air ventilation, water supply at ilaw.

Kasya sa malawak na selda hanggang 20 PDLs na may dalawang electric fan, palikuran at mga bunk bed.

Mayroon din visiting area, basketball court, at lugar para magpaaraw ang mga PDL.

Nitong April 6, nagtungo sa bagong pasilidad si Mayor Joy Belmonte upang magsagawa ng inspeksyon.

Tiniyak ni Belmonte na mabibigyan ng maraming pagkakataon ang mga lalaking PDL gaya ng alternative education, seminars at livelihood programs para maging mga produktibong mamamayan.
EVELYN GARCIA