PDP LABAN NAKATUON SA LANDSLIDE WIN SA 2019-KOKO

Aquilino “Koko” Pimentel III

MASAYANG  tinanggap ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nakapaloob sa En Banc Resolution na nagdedeklara na ang Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban) na kanyang pinamumunuan ang “lehitimong partido” kasabay ng pahayag na “ngayong naresolba na ang kalituhang ito, maitutuon na namin ang atensiyon sa 2019 at sa pananalo sa halalan.”

Sa limang pahinang resolusyon nitong Nobyembre 29, sinabi ng Comelec na ang Sworn Information Update Statement at ang List of Authorized Signatories na isinampa ni Pimentel ay ang lehitimo at opisyal na Sworn Information Update Statement at List of Authorized Signatories ng PDP Laban para sa May 13, 2019 National at Local Elections.

Ang Comelec, sa pagbibigay-bigat sa kampo ni Pimentel ay nagsabi na ang listahan ng mga opisyal mula sa grupo ng senador ay kinilala na rin sa pambansang halalan noong 2016 kaya walang dahilan upang baguhin ang nasabing kapasyahan.

Bilang kinikilalang lehitimong mga opisyal, lahat ng nasa listahang sinertipikahan ng Comelec ay maaari silang lumagda sa lahat ng mga dokumento kaugnay sa halalan kagaya ng Certificates of Nomination and Acceptance (CONA).

Ang naturang usaping pinagpasyahan ng Comelec ay umusbong dahil sa pagsusu­mite ng dalawang set ng SIUS at CONA mula kay Pimentel at sa kabilang grupo na pina­ngungunahan ng abogadong si Rogelio Garcia, na tinawag ng senador na “haragang mga ele­mento na umaastang kabilang sila sa partido.”

“Ang mga makatotohanan at legal na basehan ng resolusyon ng Comelec ay napakalinaw at walang duda na nagsasabing noon pa man, kami ang PDP Laban at anumang grupo na nagpapakilalang sila ang partido ay gumagawa lamang ng paglabag sa batas,” ani Pimentel. “Umaasa kami na ang mga nagtangka na isalin sa kanila ang mabuti at makasaysayang pangalan ng aming partido para sa kanilang makasariling interes sa politika ay magi­ging matalinong tatalima ng may kagandahang-loob at maluwag na tatanggapin ang kapasyahan ng Comelec. Hindi na kailangan pang lituhin ang publiko.”

Ayon sa senador mula Mindanao, ang mga paghahanda para sa 2019 elections ay kasalukuyan nang isinasagawa kasabay ng paghayag na kumpiyansang mananalo ang mga pambato ng admi­nistrasyon sa isang landslide sa darating na halalan sa Mayo 13 sa susunod na taon.

Comments are closed.