PINURI ng mga tunay at tapat na kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban) ang kanilang Party President na si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa kanyang kapansin-pansing sakripisyo para sa higit na ikabubuti ng Senado at ng bayan noong Martes.
Pinili ni Pimentel si dating Senate Majority Floor Leader Vicente Tito Sotto III bilang kanyang kapalit upang tuparin ang pangakong bababa siya sa tungkulin bilang paghahanda sa kanyang reeleksiyon sa 2019 midterm elections.
“Ipinakita ni Pimentel ang kanyang husay at statesmanship na inaasahan sa isang lider ng ruling Party na unahin ang interes ng bansa at ng kanyang institusyon kaysa personal na kagustuhan,” sabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na tumatayo ring National Vice Chairman ng PDP Laban.
Tinanggap ni Cusi ang pinakahuling pagbabago sa paniniwalang maitutuon ni Sen. Pimentel ang kanyang atensiyon sa pagsabak ng kanilang partido sa halalan sa 2019 gayundin ang pangunahin nilang adbokasiya na Federalismo.
“Bilang mapagkakatiwalaang partner ni Pangulong Duterte sa Senado, mapasisigla niya ang mga kasapi ng Partido dulot ng dagdag niyang partisipasyon sa araw-araw na gawain ng Partido upang maipakalat pa ang aming layunin,” dagdag ni Cusi.
Sinusugan naman ng mga opisyales ng PDP Laban sa buong kapuluan ang saloobin ni Cusi.
“Ipinamalas ni Sen. Pimentel na sinusunod ng PDP Laban ang mga itinuturo nito. Ihahatag namin ang Pagbabago sa estruktura ng mga institusyon pati na rin sa kulturang politikal ng bansa. Palagi naming inuuna ang interes ng bayan,” pahayag ni House Speaker at PDP Laban Secretary General Pantaleon Alvarez.
“Mula sa Chairman hanggang sa mga local chapter, dama ni Sen. Pimentel ang katapatan at pagtitiwala ng bawat miyembro ng Partido. Ang aming respeto sa kanya ay higit pang pinaganda ng kanyang mga aksiyon na nagpapatunay na isa siyang statesman sa pinakamataas na kalibre,” sabi ni Special Assistant to the President at PDP Laban National Auditor Christopher Bong Go.
“Tinatanggap ko ang desisyon ni Sen. Pimentel na ipokus ang kanyang panahon sa pagpapalakas ng PDP Laban at pagpapalaganap ng Federalismo. Ito ang pinakamabuting paraan para masuportahan namin ang Pagbabago na ipinangako ng aming Party Chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Governor Leopoldo Dominic Mic Petilla ng Leyte.
“Hihintayin ko ang pagkakataong makita si Sen. Pimentel na naglilingkod sa mga kanayunan. Bilang kaibigan ng mga lokal na pamahalaan, ang kanyang presensiya sa aming mga gawain para mapalaganap ang Federalismo ay magpapalakas pa sa kredibilidad ng aming layunin,” sabi ni Socorro, Mindoro Oriental Mayor Maria Fe Brondial, National President ng League of Municipalities of the Philippines.
“Napakarami nang natamo ni Sen. Pimentel bilang isang lehislador, kasama siya sa pagpapasa ng maraming priority bills ng administrasyon. Nagtitiwala ako na ang kanyang talento ay magpapasigla sa aming pagkilos para magawang isang Federal Republic ang Pilipinas,” diin ni Masbate Vice-Governor Jo Kristine Kaye Celera-Revil, President ng Lady Local Legislators League of the Philippines
“Dinanas ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Sen. Pimentel ang mataas na public approval at napakaepektibo sa pagpapasa ng lehislatibong adyenda ng administrasyong Duterte. Ngayong pinili niyang ituon ang kanyang talento sa Partido at Federalismo, umaasa ako na mas lalakas pa ang PDP Laban. Ang kanyang kaalaman bilang guro ay malaking tulong sa aming pagkilos na mapalaganap ang Federalismo sa taumbayan,” pahayag ni dating Governor Sakur Tan, PDP Laban ARMM Regional President.
“Ipinagmamalaki ko na isa sa aming kababayan ay napakaraming nagawa sa pagsusulong ng pagbabago sa national level. Isa siyang inspirasyon sa lahat ng mga Kagayan-ons,” dagdag ni Mayor Oscar Moreno ng Cagayan de Oro, na tinubuang bayan ni Pimentel.
Comments are closed.