PDP-LABAN, PL MEMBERS PUMALAG: MANIFESTO OF SUPPORT KAY VELASCO ‘DI DUMAAN SA KONSULTASYON

REP VELASCO-2

NAG-ALMAHAN ang mga miyembro ng PDP- Laban at Partylist Coalition sa ipinalabas na manifesto of support ni Senador Manny Pacquiao na nagsasabing suportado nila at ng ibang partido sa Kamara ang Speakership bid ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ang katotohanan umano ay walang basehan ang manifesto dahil hindi ito dumaan sa kunsultasyon sa kanilang mga miyembro.

Sa pagpalag ng mga miyembro ay lumalabas na ang mga lider lamang ng partido ang sumusuporta kay Velasco, su­balit, hindi ito consensus ng mga miyembro.

Pumalag sina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin at TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza sa paglagda ni Partylist Coalition Foundation Inc. Mike Romero sa manifesto of support kay Velasco, anila, unfair na palabasin ni Romero na ang buong PCFI ang sumusuporta sa Speakership bid ni Velasco.

“To speak for the partylist bloc is unfair, its illegal, no basis for that. Kung ang inilagay ni Romero sa manifesto ay 1Pacman Partylist ang sumusuporta kay Velasco ay wala sanang problema, pero ‘yung isama ang buong PCFI ay hindi ito ang aming napag-usapan” pahayag ni Defensor.

Gayundin ang sentimiyento ni TUCP  Partylist Rep. Raymond Mendoza, ngayon lamang nangyari ang ga­nito na nagsasalita ang tumatayong Pangulo ng bloc at nagdedesisyon nang walang pagkonsulta sa kanila.

“Yung ginawa niya (Romero)  runs counter to the procedure of the trust and confidence given to a leader of a bloc, I have not seen this, its something na hindi namin gusto,” pahayag ni Mendoza kung saan nalaman lamang nila ang pagpapalabas ng manifesto of support ni Romero sa kanilang viber group na ikinabigla nilang mga miyembro.

Sinabi ni Defensor,  hindi nila alam kung saan patutungo ang naganap na insidente sa kanilang koalisyon.

“May meeting na ipinatawag pero ‘yung iba ay walang gana na dumalo. We are in dilemma,  we don’t know how to address this, ira-ratify ba ito o simula na ba ito ng pagbagsak ng koa­lisyon,  wala na ba ka­ming samahan,  hindi kasi simple ang pagpirma, as president that was really against any of the previous agreements,” dagdag pa ni Defensor.

Sa tanong kung maaaring palitan si Romero, sinabi ni Defensor na maaari naman itong palitan at kung may numero sila para patalsikin ito bilang Presidente ng PCFI ay mayroon umano.

Inamin din ni Albay Rep. Joey Salceda na walang nangyaring konsultasyon sa mga miyembro ng PDP-Laban bago iendorso si Velasco bilang House Speaker.

Giit ni Salceda na dapat konsultahin din silang mga miyembro sa isyu ng Speakership at hindi lamang desisyunan ng mga lider lalo at mayroon din silang mga nagawa para maipanalo ang mga administration bet noong nakaraang eleksiyon.

Pinalagan din ni Salceda ang pananakot ni PDP Laban President Koko Pimentel na parurusahan ang mga PDP-Laban members na hindi boboto kay Velasco.

Aniya,  hindi maaa­ring daanin sa takutan ang pagboto ng speakership.

Comments are closed.