DUMATING na ang mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Masbate sa Naga City bandang ala 1:00 ng hapon nitong Oktubre 26 bitbit ang mga kagamitan upang makadagdag sa disaster operation dulot ng bagyong ‘Kristine’.
Ang pangunahing layunin ng grupo ay imobilisa ang mga resources na hiningi ng Office of the Civil Defense V upang magkaroon ng maiinom na tubig sa pamamagitan ng tatlong yunit ng Water Desalination at Purifier at isang Water Lorry na may kapasidad na 20,000 litro para sa distribusyon sa mga susunod na araw.
Mayroon din silang mga water assets na ide-deploy para magamit sa mga rescue operation at paghahatid ng tulong sa mga Bicolano sa mga lugar na hindi pa humuhupa ang baha.
Ang nasabing deployment ay pagtugon ni Governor Antonio Kho sa pamamagitan ni Dr. Adonis Dilao, Vice Chairman ng PDRRMO sa kahilingan ng Office of Civil Defense Regional Office V para makatulong sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
RUBEN FUENTES