CAVITE- ISANG special election signing of peace covenant ang isinagawa kaugnay sa gaganaping halalan sa 7th District of Cavite na gaganapin sa makasaysayang Diocesan Shrine of Saint Agustine sa bayan ng Tanza sa nasabing lalawigan kamakalawa ng umaga.
Siniguro ng Commission on Elections at ng Cavite Police Provincial Office na mapayapang maisagawa ang special election sa 3 bayan at isang lungsod sa nabanggit na distrito.
Layunin ng peace covenant na siguruhin ang kaligtasan ng bawa’t kandidato laban sa sinumang nagbabanta ng karahasan para sa nalalapit na special election sa Pebrero 25.
Kabilang sa mga kandidato na pagpipilian sa binakanteng puwesto ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dating Representive ng 7th District sa mga bayan ng Tanza, Amadeo, Indang, at Trece Martires City, ay sina Crispin Diego Remulla na incumbent board member ng 7th District; dating Alkalde ng Trece Martires City na si Melencio Jun De Sagun; Michael Angelo Santos, at si Jose Angelito Aguinaldo.
Nabatid na hindi nakarating si Aguinaldo sa peace covenant bagkus ang kanyang maybahay na si Weng Aguinaldo na dati na rin kumandidato noong nakalipas na eleksyon bilang gobernador sa Cavite.
Gayunpaman, matapos ang peace covenant ay nag-cross arms ang mga kandidato bilang tanda ng pakikiisa nila na pangalagaan ang katiwasayan ng eleksyon.
Kasunod nito, nagpalipad ng puting kalapati na sumisimbolo naman sa kalinisan ng eleksyon sa 7th District ng Cavite. MHAR BASCO