IBA naman,… wala tayong atrasan,… Si Isko naman!
Ito ang bagong sigaw ng Aksyon Demokratiko sa patuloy na pangangampanya sa maraming lugar sa bansa, at ang panawagang tanging si presidential candidate Manila Mayor ‘Isko Moreno’ Domagoso lamang ang pinakamahusay na kandidatong dapat na ihalal sa eleksiyon sa Mayo 9.
Sa magkakasunod na concert-rally sa Maynila, Batangas at Cebu, nagkumpol-kumpol ang siksikan at di-mahulugang karayom ng mahigit sa 150 libong tao na isinigaw “Si Isko naman!, ‘President Isko’ kasunod ang pagtataas ng mga kamay na nakaturo ang “dalawang daliri” senyas ng tagumpay.
Sa lahat ng ‘Meet and Greet’ at ‘Tambayang Bayan’ ng Team Isko-Doc Willie Ong sa mga munisipyo at siyudad sa probinsya at Metro Manila, laging inihahain ni Yorme Isko ang matatag at mapayapang gobyerno sa mga botante.
“Peace of mind, ‘yan po ang maibibigay, inihahain namin sa inyo,” sabi ni Yorme Isko.
Nagbabala naman ang kampo nina Sen. Ping Lacson at Sen. Manny Pacquiao sa balitang sinusuportahan ng mga partidong kaalyado ng komunistang pangkat ni Joma Sison si Robredo.
Maraming trabaho, mababang presyo ng bilihin, maayos at kaya-sa-bulsang pabahay, de kalidad na edukasyon, bilis-aksyong serbisyo sa kalusugan, hanapbuhay at hustisya ang iniaalok ng Aksyon Demokratiko sa itinutulak na Bilis Kilos 10-point economic agenda.
o0o
Bakit si Isko ang dapat iboto?
“‘Yung pangako ng iba, nagawa na ni Yorme Isko sa Maynila, kaya alam ko, magagawa rin niya ‘yon sa amin,” sabi ni Marissa Fabian, 42, kawani sa isang restoran sa Bacoor City.
Sa mas bata, mas matapang na pangulo ang gusto ni Buboy Castro at ng asawa niyang si Ela, “kasi, ilalaban niya tayo sa pananakop ng China.”
At mabilis kumilos si Isko, sabi ni Buboy, pensyonado ng SSS, “nakakuha kami ng gamot sa Maynila nang magkasakit ang biyenan ko.”
Tulad ng paghanga ni Sen. Ralph Recto kay Yorme Isko, sinabi ni Rico Dimaano, 38, security guard sa isang pawn shop sa Quezon City, “nakakabilib ‘yung pinagawa niyang bagong Ospital ng Maynila at ‘yung COVID-19 Field Hospital sa Luneta.”
Ani Rico, mas maraming pera ang Quezon City “pero wala puro nganga lang kami rito, kaya iba rin ang gusto naming maging mayor.”
Inspirasyon si Yorme Isko kay Estela Merced, 29, sales lady sa isang supermarket sa Pasig, “kaya nagtitiyaga ako para makaahon sa hirap, kung siya na dati e basurero, ako pa kaya ang hindi makaangat?”
Kung alam ni Isko ang kalam ng sikmura ng nagugutom, magagawa niyang mabigyan ng pagkain ang mahihirap na tulad nina Marissa, Buboy at Ela, Rico, Estela at iba pang dugyot ng lipunan.
o0o
Mas gagaan ang dala sa balikat kung ang kasamang nagpapabigat ay kakalas.
“Sanay na ako sa ganyan, sa paglalakad, pwede kang matapilok, matumba, pero ang mahalaga, bumangon, magpatuloy … magtiyaga lang at magtiwala sa Diyos, mahirap man, maipapanalo rin , wag lamang aatras,” sabi ni Yorme Isko sa tanong ng media tungkol sa pag-atras ng ilang dating supporter at lumipat na sa kampo ng Pinklawan.
Mga batang uhugin, kumbaga ang pagtutulad ni Aksyon Demokratiko chief strategist LIto Banayo, sa mga lumilipat na dating supporter ni Yorme Isko.
Konting ulan lang, wala pa ang bagyo, tumatakbo na sa sulok at nanginginig sa ginaw.
Parang palay na inihihiwalay ang ipa at darak sa maputing bigas.
Basta ang sigaw ng Aksyon Demokratiko: Tuloy ang laban, walang atrasan, dapat iba naman!
o0o
Scheming, sabi ni independent candidate Ping Lacson ang pang-uurot ng kampo ni VP Robredo na siya, si Sen. Pacman at si Yorme Isko ay umatras na sa laban.
Arogante, makasarili, mapagmapuri sa sarili si VP Leni at ang kampo niya na sabihang “magkaisa” para maipanalo ang pagka-pangulo.
Tuso, may maitim na balak ang kampo ni VP Leni na hindi pa man nananalo, gusto nang madomina ang mga kalaban sa pag-aalok ng posisyon daw sa gabinete niya pag siya na ang “Reyna” sa Malacanang.
Ay, estilong korikong ito, na tiyak na ire-reject ng mamamayang Pilipino.
Kay Isko na tayo na tunay na pagkakaisa, pag-aalis ng kulay politika at kapayapaan at pag-asenso ang iniaalok sa sambayanang Pilipino.
Wag tayo sa kandidatong ‘ngalngal’ at ‘nganga’ at ‘panlalamang’ ang adyenda; duon tayo sa kandidatong alam ang buhay-mahirap at nagtagumpay sa pag-angat ng sarili at ituturo at aalalay sa atin upang magkaroon ng dignidad sa buhay at kabuhayan.
Si Isko ang daan sa tunay na masayang Buhay at Kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
o0o
Para sa inyong mga suhestiyon, reaksiyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].