PERSONAL na binista ni Philippine National Police (PNP) chief General Dionardo Carlos ang AFP-Northern Luzon Command na pinamumunuan ni Army Lt. General Arnulfo Marcelo Burgos para talakayin ang kanilang intensified joint operations ng militar at pulis sa pagtugis ng nalalabing local communist-terrorist members sa Central at Northern Luzon.
Ito ang layunin ni Carlos sa ginawa nitong pagbisita sa AFP –Northern Luzon Command sa Camp Servillano Aquino sa Tarlac.
Si Carlos at Burgos ay mag-mistah na kapwa miyembro ng PMA Class of 1988.
Nais ng AFP at PNP na tuluyang mawakasan ang terroristic activities ng Communist Party of the Philippine at armadong galamay nitong New People’s Army upang matiyak din na magkakaroon ng payapa at ligtas na pagdaraos ng National Elections 2022.
Target nina Burgos at Carlos na matigil ang mga inilulunsad na karahasan ng CPP-NPA-NDF na banta sa peace and security para sa nalalapit na halalan.
Sinimulan ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa AFP para sa gagawing joint operations na kanilang ikakasa laban sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF lalo na sa area of responsibility ng NOLCOM.
Isa sa marching order ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP at AFP na tuldukan ang mga terroristic activies ng komunistang rebelde at matiyak na maging maayos ang latag ng seguridad ng PNP para sa halalan.
Ngayon pa lamang ay naghahanda na ang PNP sa kanilang ipatutupad na security measures lalo na sa mga lugar na mataas ang banta ng magkatunggaling kandidato at may presensiya ng mga private armed groups. VERLIN RUIZ