PEACEFUL RALLY IKINASA NG EX-KADAMAY MEMBERS

Jeffrey Ariz

BULACAN – NABALOT ng tensiyon ang peace rally ng mga dating meyembro ng Kadamay na nagbalik-loob sa pamahalaan matapos mam-bully ng mga miyembro ni Pat Tupaz ng KADAMAY.

Sa ulat, nagkainitan ang dalawang grupo nang dumaan ang peace rally na pinamumunuan ni Jeffrey Ariz, ang tagapangulo ng Kada­may na pumanig sa gob­yerno.

Ito ay matapos  hamunin ng suntukan ang isa sa mga may dala ng plakard sa Brgy. Mapulang Lupa sa Gate 2 ng Pabahay sa  Atlantika na pilit inagaw ang bitbit na tumutuligsa sa umano’y anomalyang kinasasangkutan ng dalawang lider ng Kadamay.

Ayon kay Aris, higit 700  miyembro ng Ka­damay ang tumiwalag sa poder nina Tupaz at Bea Arellano.

Aniya, ginawa nila ang peaceful rally upang matigil na ang panloloko ng grupo ni Arellano sa kapuwa nila miyembro.

Hindi rin aniya  totoo ang sinasabi ni Tupaz na sila ay bayaran na taga-Quezon City kung saan lehitimo na silang residente ng Pandi.

Matapos ang mahabang martsa mula sa kanilang mga bahay, nagtipon-tipon sila sa Freedom Park sa Brgy. Bunsuran 1st.

Isinisigaw ng grupo ang hindi makatao na panggigipit at pananakot sa ibang miyembro na nais magbalik loob sa gobyerno.

Ayon naman kay Kap. Ceferino Capalad, naging matahimik ang rally ng mga dating Ka­damay na nagbalik-loob sa ating gobyerno.

Bunsod nito ay  nagpasalamat si Capalad sa pulisya at sa barangay tanod para mapanatili ang katahimikan ang kilos-protesta. THONY ARCENAL