PEANUT CONGRESS AARANGKADA SA CAGAYAN

Mani

ISASAGAWA ngayon ang ‘’Peanut Congress’’ sa bayan ng Enrile, Cagayan kaya hinihikayat ng lokal na pamahalaan  ang mga dati at kasalukuyang nagtatanim ng mani na dumalo sa nasabing aktibidad.

Pangungunahan ni Mayor Miguel Decena, Jr ang isasagawang ‘’Peanut Congress’ na layunin nitong mapataas ang produksiyon ng mani sa bayan ng Enrile na tinaguriang “Peanut Capital of the Philippines”.

Pahayag ni Mayor Decena, patuloy na bumababa umano ang produksiyon ng mani sa kanilang lugar dahil sa kawalan ng suporta ng gubyerno at paglipat ng mga magsasaka sa pagtatanim ng yellow corn na mas mataas ang kita.

Ayon pa sa alkalde na ioorganisa nila bilang isang kooperatiba ang mga magsasaka ng mani upang matulungan sila mula sa pagtatanim hanggang sa pagbebenta ng kanilang produkto.

Sa isasagawang peanut congress, makikiisa ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na pinamamahalaan ni DA Regional Director Narciso Edillo na tuturuan nila ang mga magsasaka ng mga pamamaraan sa pagtatanim hanggang sa pag-ani ng mani gamit ang mga makabagong teknolohiya.

Sa tulong naman ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Trade and Industry (DTI), plano ng alkalde na magpatayo ng planta at warehouse para sa kooperatiba na manga­ngasiwa sa pagproseso at pagbebenta ng produkto na magpapataas sa kita ng mga magsasaka. IRENE GONZALES

Comments are closed.