ANG Paskua sa Banal na Kasulatan ay ipinagbubunyi ng 12 tribo ng bansang Israel kada ika-14 ng unang buwan ng kada taon. Matapos ang pag-seselebra naman ng bansang Israel, sa ika-14 naman ng Pebrero isiniselebra ang Paskua ng mga simpatetiko sa iba’t ibang bansa na hindi kabilang sa Israel.
Ganyan ang kahalagahan ng Peb. 14 sa Bibliya. Ngunit ano nga ba ang Paskua? Maaaring sa salitang Paskua rin nagsimula ang salitang Pasko ng mga Kristiyano. Ito ay pag-alala sa pangangamatay ng mga taga-Ehipto nang daanan sila ng mga anghel ng Diyos dahil ayaw nilang palayain ang bansang Israel sa pagka-alipin.
Sa papamagitan ng propetang si Moses ay binalaan ang mga Israelito na maglagay ng dugo ng tupa sa kani-kanilang pinto at mga bintana nang sa gayon ay iwasan silang pasukin ng mga anghel ng Diyos na ang misyon ay kunin ang lahat ng panganay na anak na lalaki ng Ehipto, kabilang na rito ang panganay ng Paharoh noon.
Ang pangyayaring ito ang Pass-over o Paskua, o maaaring Pasko rin. Sa panahon ng Paskua noon maaalalang dumating ang Panginoong Hesus sa Herusalem, na ikinaliligalig naman ng mga pari at mga tagapag-turo noon ng relihiyon. Importanteng selebrasyon kasi ang Paskua sa mga Hudyo at ang pagdating ni Hesus noon ay tinatantyang aagaw sa kulog ng selebrasyon mula sa mga pari.
Nangangahulugan na ang Peb. 14 ay pagseselebra ng mga hentil o hindi mula sa angkan ni Jacob ng Paskua at sa panahon natin ay ang pagdating ng Panginoong si Hesus at hindi ng isang St. Valentine.
Wala ring kinalaman ang Griyegong si Eros o ang Latin na si Kupido sa St. Valentine na ito. Malinaw na may kinalaman kay Hesus ang selebrasyon na nakatalaga sa Peb. 14, at dahil ukol kay Hesus ay nangangahulugang ukol din sa pag-ibig, ngunit ang kaibahan nga lamang ay isang banal na pag-ibig na pinuspos ng saksipisyo para sa ikaliligtas ng daigdig sa sarili nitong mga kasalanan.
Kung hindi dumating si Hesus ay malamang matagal nang nagunaw ang buong daigdig, hindi sa kamay ng Kalikasan kundi sa kamay mismo ng mga tao dahil sa pagkauhaw ng mga ito sa dugo, kapangyarihan at kayamanan.
Kinakailangang dumating si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang sarili. Ipinamahagi ni Hesus ang balita ng pag-ibig, kapayapaan at kaligtasan ng sangkatauhan.
Huwag po nating ipagdiwang si St. Valentine, kundi ang Panginoong Hesus po, sa araw na ito ng Paskua.
Comments are closed.