BATANGAS- NASAKOTE ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pekeng abogado na umano’y nag-aalok ng “non-appearance annulments” ng mag-asawa para sa halagang P500,000 hanggang P700,000.
Ayon kay NBI Batangas chief Attorney Christopher Hernandez, ang mag-asawa ay nabigyan naman ng court decision ng annulment ngunit nang iberipika sa Philippine Statistics Authority ay lumalabas na peke ang binigay na dokumento at hindi lumalabas sa records ng PSA.
Idinagdag pa na ang suspek ay dati nang naaresto ng CIDG Cavite-Dasmariñas noong Marso dahil sa parehong kaso o modus.
Aniya, nakabinbin ang kaso ngunit nagpapatuloy pa rin ang suspek at marahil siya ay nakapagpiyansa.
Kinumpirma ng NBI Batangas na wala sa listahan ng mga abogado ng Korte Suprema ang suspek.
Sa kasalukuyan ay may 12 complainants ang nagsampa ng kaso laban sa suspek kabilang ang estafa kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang Integrated Bar of the Philippines Batangas Chapter sa insidente.
“The IBP Batangas Chapter encourages the public to be vigilant against sham court processes advertised on social media and done by non-lawyers or unauthorized persons,” ayon sa pahayag. EVELYN GARCIA