CAVITE- ARESTADO ang isang babae na nagpakilalang “abogado” para tulungang makalaya ang tatlong inaresto sa inilatag na operation ng pulisya kahapon ng madaling araw sa Brgy Kalubkob, Silang sa lalawigang ito.
Nahaharap sa kasong estafa kaugnay sa Falsification of Public Documents ang suspek na si alyas Katriona, 25-anyos, negosyante, residente ng Katarungan Village-2, Poblacion, Muntinlupa City.
Ang suspek ay inireklamo ng pamilya ng tatlong biktima na pawang mga nakakulong matapos na arestuhin ng Warrant Section sa pangunguna ni Police Master Sergeant Jefferson Tibayan, Warrant PNCO sa isinagawang wanted persons operation.
Habang nakakulong tatlo ay pinuntahan ng pekeng abogado para makalaya.
P300,000 ang hininging halaga ng nasabing abogado sa tatlo upang tuluyan na makalaya ang mga ito.
Subalit, inabot na umano sila ng isang Linggo sa kulungan ay hindi pa din sila nakakalabas at bihira na umanong bumalik dito ang nasabing abogado.
Dito na humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya ng mga biktima kung kaya isinagawa ang operation laban sa pekeng abogado.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-2 ng madaling araw kahapon kung saan nasakote ang suspek sa may RCD Royale Homes, Brgy. Kalubkob at nadiskubre na peke ang lahat ng dokumentong ipinapakita ni alyas Atty. Katriona.
SID SAMANIEGO