PEKENG ARMY GENERAL TIMBOG SA MATATAAS NA KALIBRE NG BARIL, BALA

LAGUNA – NAKUMPISKA ang 38 iba’t ibang kalibre ng baril, magazines at libong bilang ng mga bala para sa iba’t ibang klase ng baril sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang “Army training ground” sa Biñan City nitong Sabado.

Ayon sa ulat matagal nang minamanmanan ng CIDG Laguna Provincial Field Unit kasama ang pinagsanib na puwersa ng PNP Biñan at AFP, bitbit ang limang Search Warrant na ipinalabas ni Hon. Agripino R. Bravo, Executive Judge ng RTC, Lucena City, Quezon kaugnay sa paglabag sa RA Act 10591 dahil sa pag-iingat ng mga baril at bala.

Dakong alas-10 ng umaga isinagawa ang pagsisiyasat ng CIDG at natapos dakong alas-4 ng hapon sa ilang bahay sa Amsterdam St., Town and Country, Barangay Langkiwa sa lungsod ng Biñan.

Dahil sa walang maipakitang kaukulang dokumento para sa mga armas at bala ay inaresto sina Jose Francisco Ramos III na subject ng search warrant at kasamang dinakip sina Mark Sales at Darwin Regonis.

Ang suspek na si Ramos ay nagpakilala bilang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines na may ranggong Army Lieutenant General at nag-recruit sa pamamagitan ng social media (FACEBOOK) na mga indibidwal na gustong sumali sa Philippine Wildlife Sentinel Unified Command (PWSUC) .

Iginiit ng suspek na ito ay isang organisasyong kaanib ng DENR at nagsisilbi ring force multiplier para sa military at ginagamit ng grupo ang mga bakanteng lote sa sinalakay sa lugar bilang training ground.

Subalit sa verification mula sa 1303rd Defense Regional Community of the Philippine Army, si Ramos ay hindi isang AFP Reservist at walang records of assignment, o wala sa roster ng AFPJoint Task Force NCR.

Ibinunyag din sa verification mula sa DENR-4A na ang Philippine Wildlife Sentinel Unified Command (PWSUC) ay hindi kaakibat o konektado sa DENR-4A bilang Deputized Wildlife Enforcement Officers (WEO’s).

Ang mga naaresto at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa CIDG Laguna PFU Office para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. BONG RIVERA/ARMAN CAMBE