PEKENG DENTISTA INARESTO NG NBI

LEYTE – NAGWAKAS ang pagiging pekeng dentista ng isang mister matapos arestuhin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Eastern Visayas Regional Office (NBI-EVRO) sa isinagawang entrapment operation sa kanyang bahay sa Brgy. Nalibunan, Abuyog, Leyte nitong nakalipas na Linggo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 5, Section 33 ng RA 9484 (Philippine Dental Act of 2007) ang suspek na si Alvin Sy y Caminong ng nabanggit na barangay.

Base sa ipinalabas na ulat ni NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, nakatanggap ng impormasyon ang NBI-EVRO na ang suspek ay nagsasagawa ng dentistry sa nasabing lugar nang walang kaukulang lisensiya mula sa pamahalaan.

Isinalalim sa surveillance operation ang suspek kung saan nadiskubreng nagsasagawa ng dentistry for fee sa nasabing barangay kaya ibineripika ng NBI ang status nito sa Professional Regulatory Commission (PRC) sa Maynila.

Ayon sa sertipiko na inisyu ng PRC na ang suspek ay wala sa database bilang dentist na awtorisadong mag-practice ng Dentistry sa bansa.

Dito na isinagawa ng NBI-EVRO ang entrapment operation kung saan nagpanggap na pasyente ang 2 NBI agent sa dental service ng suspek sa kanyang bahay.

Matapos ang dental service ay nagpakilala na ang 2 NBI agents sa suspek kung saan hinanapan ito ng PRC identification card at mga dokumento kaugnay sa pagsasagawa nito ng dentistry subalit wala itong maipakita.

Dito na binitbit ang suspek sa NBI office kung saan isasailalim sa standard booking proceedings bago sampahan ng kaukulang kaso. MARIO BASCO