NAGBABALA si ACTS-OFW partylist Rep. Aniceto Bertiz III sa overseas Filipino workers (OFWs) laban sa pagkalat ng pekeng Integrated Department of Labor and Employment (iDOLE) cards.
Sa House Resolution 2015, hiniling ng kongresista sa House good government and public accountability committee na pinamumunuan ni 2nd Dist. Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil dito.
Ayon kay Bertiz, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw kung bakit ipinalabas ng APO Production Unit Inc. ang naturang identification cards, na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa OFWs.
Subalit ang hindi katanggap-tanggap para sa mambabatas ay ang umano’y pagbebenta ng iDole cards sa mga Pinoy overseas worker gayong wala naman umano itong sapat na security features.
“The copies apparently lacked the security features, and this allowed counterfeiters to quickly reproduce phony iDOLE cards that are now being illegally sold to departing OFWs,” galit pa ni Bertiz.
Nauna rito, ipinahayag ni Labor Sec. Silvestre Bello III na ibinasura na nila ang iDOLE card projects matapos makarating sa kanyang kaalaman na may mga tiwaling indibiduwal o grupo na ginamit ito para pagkakitaan.
“May nag-alok ng pera para riyan. Pinaghahatian. Sabi ko alam ninyo, itong iDOLE para sa mga OFW. Dapat walang gastos ang gobyerno at lalong walang gastos ang OFWs. Kaya kung ganyan ang plano ninyo, ang mabuti pa ay scrap na natin. Which I did,” tigas na sabi pa ng kalihim.
Layunin dapat ng iDOLE card program na ito na palitan ang overseas employment certificate (OEC), na siyang ipiniprisinta sa immigration counters ng lahat ng OFWs bago sila payagan makapagbiyahe palabas ng bansa. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.