PEKENG INTEL OFFICER TIKLO SA NAIA

INARESTO ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babae na nagkunwaring Military Intelligence Officer Reservist ng Philippine Army upang makapasok sa restricted area ng pa­liparan.

Kinilala ang suspek na si Alyas Sheena 31-anyos at residente ng Taguig City na nadakip matapos ang isang Linggong surveillance ng mga tauhan ng Lockheed Security agency.

Sa pahayag nina Erlinda Bulawit at Joselito Garcia, mga security guard na nakatalaga sa NAIA Terminal 3, nagpakilala ang suspek na itinalaga siya ni Cecille Ang, anak ni business tycoon Ramon Ang bilang intelligence officer sa New NAIA Infra Corp. (NNIC).

Ngunit, makaraang ang isang Linggo nadiskubre na si Alyas Sheena ay hindi legitimate Phi­lippine Army reservist O appointed ng pamilya Ang na siyang dahilan upang sumailalim ng imbestigasyon.

Sa inisyal na imbestigasyon, nadiskubre na ang suspek at si Joselito Garcia ay magkasintahan at si Erlinda Bulawit naman ang tumulong sa suspek para makakuha ng application form sa Philippine Army Recruitment.

Agad na inalis sina Garcia at Bulawit sa kanilang mga puwesto bilang security guard sa NAIA at inilagay sa Return to Unit (RTU) status habang on going ang isinasagawang imbestigasyon.

Habang ang suspek ay kasalukuyang naka-detained sa opisina ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group sa NAIA Terminal 3.

FROILAN MORALLOS