PEKENG KOOPERATIBA

NFA-5

INIIMBESTIGAHAN na ng National Food Authority (NFA) ang umano’y mga pekeng kooperatiba na ginagamit ng ilang negosyante para makapagbenta ng palay sa ahensiya.

“Inutusan na namin ang aming legal department para tingnan ito at tinitingnan ang proseso kung bakit nagkakaroon ng ganitong issue,” wika ni NFA Officer-in-Charge Administrator Tomas Escarez sa isang panayam sa radyo.

Ito ay makaraang mapaulat na nagpadala si Agriculture Secretary Manny Piñol ng liham na humihiling sa ahensiya na imbesti-gahan ang rek­lamo ng mga farm leader na nagsasabing ginagamit ang mga inactive cooperative para  makapagbenta ng palay sa NFA.

Ayon kay Escarez, nasorpresa siya na ipinag-utos ni Piñol ang naturang imbestigasyon.

“Pero nakausap ko si Secretary (Piñol), mayroon daw mga nagti-text sa kanya na baka may mga nakapagdala ng palay sa NFA sa ilang bayan. Dito sa area ng Region 3 ang mayroong ilang complaint,” aniya.

Dagdag pa niya, may mga nagmensahe rin na may nabibiling palay mula sa mga hindi awto­risadong kooperatiba.

Ipinaliwanag ng opisyal na base sa mga umiiral na patakaran, kailangan ng farmers passbook at certification mula sa Department of Agriculture (DA) ng isang kooperatiba bago makapagbenta ng palay sa NFA.

Binigyang-diin rin ni Escarez na mahigpit sila sa pagpapatupad ng mga alituntunin na tanging mga rehistradong kooperatiba ang bibilhan nila ng palay.

“Nilinaw ko sa ating Secretary na iyong pagbili na iyon, napakatindi ng ­ating control diyan,” aniya.

Comments are closed.