NAGPAPATULOY pa rin ang bentahan ng mga pekeng liquefied petroleum gas (LPG) sa merkado kahit may standards enforcement campaign at market monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Bilang bahagi ng nabanggit na kampanya ng DTI laban sa mga pekeng LPG tank na nagkalat ay pinapayuhan ang publiko na bumili lamang ng LPG tank na nagtataglay ng markang PS at ICC upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng mamimili.
Base sa reklamong inihain ng lehitimong manufacturer na WQSY Marketing sa Department of Trade and Industry-Bureau of Philippines Standards (PS) at ICC, nagkalat pa rin ang mga pekeng LPG na Speed Gaz at Bess Gaz na walang marka ng Philippines Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC).
Nabatid na naunang inireklamo sa pamunuan ng DTI-BPS ang paglaganap ng mura, ‘di sertipikado at substandard na LPG tank na Speed Gaz at Bess Gaz na may timbang na 2.7 kg at 11 kg kung saan walang tatak na PS Mark, ICC at ilang mandatory markings na ibinibigay ng DTI –BPS.
Subalit hindi mapigilan ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang nagkalat na pekeng LPG tank na may nakaambang panganib sa publiko.
Isa ang WQSY Marketing sa mga lehitimong manufacturer na may libo-libong manggagawa na umaasa sa industriya ng tunay na LPG tank at nakapagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Nakasaad sa liham ng WQSY Marketing sa DTI-BPS na, “With due respect, it is very necessary that these finding be acted up-on for the safety of the consumers especially those are the CD market since these are the consumers that used this type of cylinders.”
Binigyan din ng kopya ng liham ang Office of the Executive Secretary, Malacañang, Manila at ang Department of Energy.
Nanawagan naman ang mga lehitimong LPG tank manufacturer sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na gumawa ng aksiyon laban sa patuloy na bentahan ng pekeng LPG tank bago maganap ang trahedya.
Samantala, masusing binabantayan ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) sa pamamagitan ng Surveillance and Monitoring Division nito ang mga manufacturer ng LPG tank kaugnay sa pagsunod sa Fair Trade Laws (FTLs) at sa mga batas sa product standards bilang suporta sa Bureau of Philippine Standards (BPS).
Hinihimok din ang publiko na ipaabott sa FTEB ang mga bodega na pinaglalagakan ng mga pekeng LPG tank upang magawan ng kaukulang hakbang at masampahan ng kasong kriminal. PILIPINO Mirror Reportorial Team