LAKING gulat ng isang lalaking nagpapakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) nang arestuhin at posasan matapos na mabuking ng mga operatiba ng NBI na nangingikil umano ng P100,000 sa isang aplikante na kumukuha ng NBI clearance sa loob ng Headquarters ng ahensiya sa Maynila.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge (OIC)- Director Eric B. Distor ang suspek na si Mark Endaya Cabal na naaresto sa mismong parking lot ng NBI Headquarters sa U.N. Ave., Manila.
Sa ulat ng NBI Special Action Unit (NBI-SAU), ang pagkakaaresto kay Cabal ay bunsod sa reklamo ng isang complainant kung saan nakilala umano niya ang suspek sa labas ng NBI compound na nakausot ng polo shirt ng NBI. Dahil dito ay inisip niyang lehitimong empleyado ang suspek ng ahensiya at nagtanong sa kanya kung paano kumuha ng NBI clearance.
Nag-alok ng tulong ang suspek at nakalipas ng ilang sandali ay binalikan niya ang complainant at sinabing may naka-pending itong warrant of arrest sa kasong droga at aarestuhin kung hindi makakapagbigay ng P100k.
Kinabukasan, bumalik ang complainant at ibinigay ang halagang P40K pero hindi nakuntento ang suspek at tinakot ito na maari siyang ikulong o patayin dahil sa pagkakasangkot sa illegal na droga.
Nangako ang complainant na ibibigay nito ang kakulungan makaraang ang ilang linggo.
Dito na humingi ng tulong ang biktima sa kaibigan kung saan pinayuhan ito na magsampa ng reklamo laban sa suspek dahilan upang magsagawa ng entrapment operation ang NBI laban kay Cabal
Nitong Pebrero 3, nagsagawa ng isang entrapment operation ang NBI SAU na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at positibo pa itong nakuhanan ng hinihinalang shabu. Lumalabas pa umano sa records ng NBI na marami na ring reklamo ng Robbery Extortion laban sa suspek. PAUL ROLDAN
Comments are closed.