LAGUNA – TIMBOG sa ikinasang entrapment operation ng mga kagawad National Bureau of Investigation (NBI-LAGDO) ang huwad na lalaking Online buyer sa lungsod ng Calamba.
Sa harap mismo ng isang sangay ng Courier, inaresto ng mga tauhan ni NBI-LAGDO Chief Atty. Daniel Daganzo ang suspek na si Anthony Galvez y Buitre ng Mabuhay City Subdivision, Bgy. Mamatid, Cabuyao, City.
Sinasabing aktong papasakay ng kanyang minamanehong motorsiklo ang suspek habang bitbit ang isang package na naglalaman ng 3 Michael Kors bag at 4 na belt kabilang ang Kirkland vitamins na nagkakahalaga ng mahigit na P22,000 mula sa naturang estabilisimiyento nang ikasa ng mga tauhan ni Daganzo ang nasabing operasyon.
Sinasabing inorder ng suspek ang mga produkto sa Online Seller na si Romulus Magno ng Cabanatuan, City, Nueva, Ecija na matagal na umano nitong ka-transaksiyon.
Ayon kay Daganzo, dumulog sa kanilang tanggapan ang biktima matapos ang ilang magkakasunod nilang transaksiyon ng suspek mula noong nakaraang buwan ng Hulyo kung saan napag-alaman mula sa isang bangko na wala itong ipinadalang payment sa kanyang ibinebentang mga produkto.
Nabatid na pineke ng suspek ang ipinadala sa biktima na magkakasunod na Proof of Payment sa Online Bank Confirmation na umaabot sa kabuuang halaga na P624,502.00 dahilan para agarang maghain ito ng kaukulang reklamo sa NBI.
“Para sa mga Online Seller, mag-ingat kayo sa pagbebenta ng mga goods, kung magbebenta kayo, siguruhin ninyo na every after transactions i-verify ninyo agad sa bank account ninyo kung nag-credit siya at huwag niyo munang i-shipped out yung goods habang wala pa yung bayad”, panawagan ni Daganzo.
Kasong Estafa under Article 315 of RPC in Relation to Sec. 6 of RA-10175 ang isinampang laban sa suspek. DICK GARAY
Comments are closed.