KINUMPISKA ng mga tauhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang libo-libong halaga ng mga pekeng pampaganda at pampaputing produkto makaraang magkasunod na salakayin ang dalawang establisimiyento sa Antipolo City at Matina, Davao City kamakailan.
Ayon kay FDA Dir. General Nela Charade Puno, unang sinalakay ng kanyang mga tauhan ang dalawang sangay ng Misumi Direct Sales sa No. 25 Maya Ave. Okinari Bldg., Merville Park Subd., San Roque, Antipilo City na pag-aari ng isang Donnah Mae Martinez-Miranda.
Kabilang sa mga kinumpiskang pekeng produkto ay Bihaku Aha Blue Booster with Blueberry Fruit Extract, Skin whitening products, Bihaku Whitening lotion, Seoul Beauty Pore-Fect Powder Infuse with Snail 30ml.
Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa rules and regulation ng FDA si Martinez dahil sa pag-o-operate nito ng ilegal na walang License to Operate (LTO) at Certificate of Product Registration (CPR) mula sa FDA.
Sinalakay rin ng mga tauhan ng FDA ang Misumi Direct Sales na makikita sa 2nd floor Vastland Bldg. McArthur Highway cor. Topaz St. Matina, Davao City na nakumpiskahan din ng mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng P220,560.
Ayon kay Puno, ang mga nakumpiskang produkto ay kabilang sa 34 na unregistered at potential “hazardous cosmetic products”.
Nagpapatulong na rin ang FDA sa iba’t ibang law enforcement na bantayan ang mga sinalakay niyang establisimiyento at Local Government Units (LGUs) upang hindi makapasok at makapagbenta sa kanilang lugar ng mga nabanggit na pekeng produkto dahil makakasama ito sa kalusugan ng tao. ANNA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.