(Pekeng pera pinambili sa motor) 2 SWINDLERS TIMBOG

CAVITE – ARESTADO ng mga tauhan ng Pasay City Police Station- Investigation and Detective Management Section ang dalawang indibidwal na sangkot sa swindling at counterfeiting operation sa Tanza, nitong nakalipas na Oktubre 18, 2024.

Ang pag-aresto ay ginawa kasunod ng ulat na ginawa ng biktima ng mapanlinlang na transaksyon.

Magkasabay na ina­resto ang mga suspek na kinilalang sina alyas Christian, 25, at alyas Angelex, 30, dakong alas-4:50 ng hapon  sa bayang nabanggit.

Ayon sa salaysay ng biktima na si alyas Erwin, 29, nangyari ang insidente noong gabi ng Oktubre 17, 2024.

Ibinebenta ng biktima ang kanyang motorsiklo na Yamaha Mio sa halagang P20,000 sa pamamagitan ng social media.

Naganap ang transaksyon sa harap ng isang convenience store sa Barangay 201, Pasay City.

Gayunpaman, matapos matanggap ni Erwin ang bayad sa cash, natuklasan niyang  peke ang perang kanyang natanggap na tig-P1,000 bill.

Mabilis na ipinaalam ng biktima sa otoridad ang pangyayari, kaagad nagsagawa ng follow-up ope­ration ang mga tauhan ng IDMS na nauwi sa pagkakarekober sa Yamaha Mio motorcycle at pagkakaaresto sa mga suspek.

Ang pekeng pera na nasamsam sa mga suspek ay isusumite sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa verification ng authenticity.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga oto­ridad na posibleng sangkot din sa ilan pang iligal na aktibidad at potensyal na koneksyon sa iba pang krimen.

Samantala, pinuri naman ni Police Brigadier General Bernard R Yang, District Director ang mabilis na pagkilos ng Pasay police.

“Ang operasyon ng pulisya na ito ay nagbibigay-diin sa aming pangako na protektahan ang publiko mula sa mga mapanlinlang na aktibidad at tiyakin ang integridad ng mga transaksyon sa pananalapi. Hinihimok namin ang publiko na manatiling mapagbantay at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad”, mensahe ni Yang.

SID SAMANIEGO