LAGUNA – ARESTADO sa entrapment operation ng pinagsanib na National Bureau of Investigation (NBI-Laguna District Office) at Binan City PNP ang lalaking nagpakilalang opisyal ng Presidential Task Force on Moral Recovery sa lungsod ng Binan.
Base sa ulat ni NBI-LAGDO Chief Atty. Daniel Daganzo, nakilala ang naaresto na si Marvin Quisol Cuna, residente ng lungsod ng San Pedro.
Alas-10 ng umaga nang magkasa ng operasyon si Daganzo at pulisya sa lugar batay na rin sa isang impormante na nagbigay sa mga ito ng impormasyon kaugnay sa iligal na gawain ng suspek.
Lumilitaw na nangangalap umano ng kanyang mga miyembro ang suspek sa Laguna, lalawigan ng Batangas at sa Metro Manila bilang tumatayong cairman nito gamit ang isang application form at pekeng Identification card na ginagamit na passes nito sa mga checkpoints ayon kay Daganzo.
Bukod aniya dito, kelangan aniyang magbayad ang bawa’t miyembro ng halagang P3,000 bilang membership fee kabilang ang Health Insurance nito.
Nabatid na sa LTO compound isa sa mga tauhan ni Daganzo ang nagpanggap na aplikante at naaresto ang suspek. DICK GARAY