MARIING kinondena ni Deputy Speaker Loren Legarda ang pagpasok umano sa bansa ng ‘counterfeit wooven garments’, na hindi lamang banta sa kabuhayan ng mga lokal at katutubong maghahabi at negosyante kundi maituturing din aniyang isang uri ng kawalang respeto sa kultura at pamana ng mga katutubong Filipino.
Nanawagan ang Antique province lady solon sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na kumilos para maprotektahan ang indigenous people (IP) weavers, gayundin ang tradisyunal na sektor ng paghahabi laban sa nasabing ‘fake wooven textiles’.
Ayon kay Legarda, nakatanggap siya ng impormasyon na may ibinebenta ngayon sa merkado na imported machine-woven blankets at garments, na ang disenyo ay kinopya mula sa Cordillera weave patterns.
Sinabi ng mambabatas na ang pagkakaroon ng mga produktong ito, na peke ang pagkakagawa, ay nakaaapekto sa hanapbuhay, lalo ng mga maliliit na negosyo sa Cordillera region.
“The traditional cultural heritage of our indigenous peoples and communities must be given the protection it deserves. Aside from the vulnerability of these rural livelihoods, we must also look into the protection of their traditional intellectual property. This is not just market competition. The imports are undercutting our artisans and weavers to the detriment of sustaining their culture and creative productivity,” pahayag ni Legarda.
Nauna rito, inihain ng kongresista ang House Bill (HB) no. 7811, o ang Act Safeguarding the Traditional Property Rights of Indigenous Peoples, na naglalayong lumikha ng Cultural Archive na siyang mamamahala at magsasagawa ng imbentaryo sa lahat ng cultural properties ng iba’t ibang ethno-linguistic groups sa bansa.
Kabilang sa mga itinuturing na traditional cultural heritage properties ang cultural expressions sa pamamagitan ng panulat, kanta, sayaw at iba pang anyo ng palabas, traditional arts and crafts at iba pa.
Sa ilalim ng panukala, nais ni Legarda na magbayad ng royalties ang sinumang gagamit sa cultural property ng bawat IP group o sinumang miyembro ng huli.
“To prevent possible abuses or the exploitation of our cultural heritage, this bill hopes to fill the gaps and apply the conventional forms of intellectual property, like copyright, royalty, and ownership. It has broader coverage for royalties that will compensate communities for their collective and individual creative expression and extends intellectual property rights past 50 years,” paliwanag pa ni Legarda.
“Cultural appropriation is currently caught and called out in social media, but we must ensure that legal protections and remedies are available and supported by government through a clear system of registration easily accessible to indigenous peoples and communities,” dagdag pa niya. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.