NAGBABALA ang environmental and health group na Ecowaste Coalition sa mga konsyumer lalo na sa mga mahilig gumamit ng mga mumurahing makeup partikular na ang nagkalat ngayon na murang lipstick na lingid sa konsyumer ay nagtataglay ng nakalalasong kemikal.
Ayon sa Ecowaste, isang banta sa kalusugan ang ipinakakalat ngayong pekeng produkto ng ilang kilalang cosmetic brand sa mga pamilihan lalo na sa Divisoria na maraming illegal vendors na pinapayagang maglipana ng mga tiwaling taga-city hall at MPD Officials.
Lumalabas sa isinagawang test buys sa ilang pamilihan sa Divisoria at isinailalim sa pagsusuri, nakitaan ng mapanganib at mataas na “concentration of heavy metal contaminants” ang karamihan sa mga pekeng MAC at Qianxui lipsticks.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition, okay lang na mag-lipstick o mag-makeup ang mga mamimili partikular na ang mga kababaihan pero kailangang mag-ingat sila at huwag basta-bastang bibili ng mga mura at mga nasa bangketang produkto.
Sa ginawang pagpapaliwanag ni Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste Coalition, ang arsenic, cadmium, lead, mercury at iba pang toxic metals ay hindi dapat bahagi ng komposisyon ng anumang lipstick at iba pang mga cosmetic product.
Ang mga naturang kemikal ay delikado sa public health ayon sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).
Ang Ecowaste Coalition ay bumili ng 57 samples na napakamura sa halagang P14.50 hanggang P35 bawat isa.
Pero sa pagsusuri, 55 sa mga ito ay kontaminado ng isa o mas marami pang toxic metals, gaya ng lead, arsenic, cadmium at mercury.
Bunsod nito naalarma ang nasabing environmental and health group kaya, nanawagan sila sa publiko, iwasang tangkilikin ang mga pekeng produkto kahit pa sabihing mura ang mga ito.
Hinimok naman ng Ecowaste ang gobyerno na gumawa ng aksiyon laban sa mga gumagawa at nagbebenta ng mga fake lipstick, at papanagutin ang mga ito sa batas.
Nanawagan din ang Ecowaste sa mga manufacturer ng lipstick na gumawa ng abot-kamay na produkto upang mas mahikayat ang mga mamimili na huwag nang tumangkilik ng mga pekeng produkto. VERLIN RUIZ
Comments are closed.