WALA umanong isa man sa mga US-based manufacturers ng anti-COVID vaccine ang humiling na mabigyan ng pardon si US Marine Joseph Scott Pemberton, kapalit ng pagbibigay sa Filipinas ng access sa mga bakunang kanilang ginagawa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang paglilinaw ay ginawa ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire matapos na matanong hinggil sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na posibleng pinagkalooban ni Pang. Rodrigo Duterte ng absolute pardon si Pemberton upang matiyak na mabebenepisyuhan ang mga Pinoy sa mga anti-COVID vaccines na dinidebelop sa Estados Unidos.
Ayon kay Vergeire, sa isinagawa nilang pakikipagpulong sa mga manufacturer ng bakuna mula sa US, ay wala namang kondisyon na ibinigay ang mga ito sa Filipinas.
“We have had discussions already with manufacturers from the US. No conditions were provided or given para sa atin. Lahat naman ng ‘yan, dadaan sa regulatory process natin,” paglilinaw ni Vergeire, sa isang online forum.
“Hindi po tayo naka-receive ng kahit na anumang kondisyon na ganito, based on the discussions that we have had with the manufacturer from the US,” aniya pa.
Si Pemberton ay matatandaang pinatawan ng parusang hanggang 10 taong pagkabilanggo ng hukuman matapos na mapatay ang Filipino transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Kamakailan ay nagdesisyon ang hukuman na payagan nang makalaya si Pemberton ngunit maraming grupo ang tutol dito.
Ikinabigla naman ng lahat ang desisyon ng Pangulo na bigyan ng absolute pardon si Pemberton at inaasikaso na sa ngayon ang nakatakdang pagpapa-deport sa dayuhan pabalik sa kanilang bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.