NANAWAGAN ang isang kongresista sa Government Service Insurance System (GSIS) na i-waive ang penalties sa mga utang ng public school teachers.
Ginawa ni 1-ANG EDUKASYON Partylist Rep. Salvador Belaro ang panawagan kasunod ng pananalasa ng bagyong Ompong sa bansa kung saan maraming guro ang naapektuhan.
Giit ni Belaro, makatutulong para sa mga guro kung iwe-waive ng GSIS ang penalty o accrued interest sa past due loans ng mga ito, lalo na sa mga gurong naging biktima ng bagyo.
Ayon kay Belaro, nakatanggap siya ng mga sumbong na pinupuwersa ang mga guro na magbayad agad ng libo-libong pisong halaga ng utang sa GSIS.
Giit ng mambabatas, malinaw sa 2017 COA report na may palpak at pagkakamali sa operasyon ng GSIS kaya hindi dapat ipasa sa mga public school teacher ang malalaking bayarin.
Babala ng kongresista, kung magpupumilit ang GSIS na pagbayarin ang mga guro sa mga ipinataw na malalaking penalties at interests sa kanilang loans ay manghihimasok na rito ang Mababang Kapulungan.
Nauna nang umapela ang Department of Education (DepEd) sa GSIS na irekonsidera ang bayad ng mga teaching at non-teaching personnel mula sa naipon na undeducted loans mula sa kanilang mga buwanang sahod. CONDE BATAC
Comments are closed.