PENSIYON, BENEPISYO SA MGA BILANGGONG SENIOR CITIZEN IHIHIRIT NG PARTYLIST SOLON

HINILING ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagkaloob din sa mga senior citizen na nakakulong ang mga angkop na benepisyo para sa kanila.

Ani Ordanes, wala dapat diskriminasyon sa hanay ng mga nasa edad 60 pataas base sa mga umiiral na batas.

“Dahil hindi nakikita ang ating elderly persons deprived of liberty (PDL) kaya hindi na rin sila naiisip sa usapin ng mga programa at benepisyo para sa senior citizens,” saad ng mambabatas.

Apela niya kay Social Welfare Sec. Rex Gatchalian at Justice Sec. Jesus Crispin Remulla  na magpalabas ng direktiba na maisama ang mga matatandang bilanggo sa indigent senior’s pension, gayundin na mairehistro sila bilang miyembro ng Philhealth.

Ang mga elderly PDL naman sa mga lokal na kulungan ay kuwalipikado sa mga benepisyo at programa ng lokal na pamahalaan sa senior citizens, sabi pa ni Ordanes.

Naniniwala rin ang mambabatas na kapag nagawa ito ng gobyerno, mapapadali na sa mga matatandang bilanggo na makabalik sa lipunan kapag sila ay nakalaya sa pamamagitan ng parole, pardon, executive cle­mency o dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Umapela na rin si Ordanes kay Pangulong Marcos Jr., na ikonsi­dera ang kondisyon ng mga matatanda ng magulang ni Mary Jane Veloso sa pagbibigay ng executive clemency sa dating overseas Filipina worker na nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa drug trafficking.

Ayon pa sa namumuno sa House Senior Citizens Committee, tuwing Kapaskuhan ay tradisyon na ng Punong Ehekutibo na magpalaya ng mga bilanggo.