PENSIYON NG INDIGENT SENIORS DOBLE NA!

MAGANDANG balita sa ating indigent na mga lolo at lola – batas na po ang panukalang doblehin ang inyong monthly pension. Kaya mula P500, ito po ay umangat na sa P1,000!

Ang inyo pong mga senador ay sinisiguro na maipatutupad agad ang bagong batas na ito, ang RA 11916 o ang Social Person for Indigent Seniors Act na tuluyang naging batas nitong Hulyo 30, taong kasalukuyan.

Alam n’yo po, tama lang naman na magkaroon tayo ng ganitong batas bilang pagtanaw ng utang na loob sa ating mga nakatatanda. Noon pong kanilang kalakasan at kabataan, kabilang sila sa mga mamamayang nakatulong sa pagpapalakas ng ating ekonomiya bilang mga empleyado.

Kaya napapanahon po ang pagsasabatas nito para makatulong din tayo sa kanila, lalo na sa pinakamahihirap na Filipino senior citizens.

Tayo po, bilang co-author ay nagpapasalamat at tuluyan nang naging batas ang panukalang itaas ang pensiyon ng ating seniors.

Mangunguna po sa distribusyon ng pensiyon ang National Commission of Senior Citizens na pinangangasiwaan ng Office of the President . Hindi na po ito idadaan sa Social Welfare and Development.

Ang kagandahan po ng batas na ito, may pagkakataong magtaas ang social pension ng ating seniors kada dalawang taon. Siyempre po, sasailalim ang adjustment sa mga pagbusisi at konsultasyon at ibabase sa consumer price index.

Sa ilalim po ng batas na ito, base sa identification ng DSWD at sa pakikipag-ugnayan sa National Coordinating and Monitoring Board, kapag sinabing indigent seniors, sila po ‘yung ating mga nakatatanda na mahina na, madalas na nagkakasakit, maykapansanan, walang pensiyon o permanenteng pinagkakakitaan, walang anumang tulong pinansiyal na natatanggap sa mga kaanak.

Sa mga panahong ito, ultimong mga ordinaryong Pilipino, nagdaranas ng kahirapan dahil sa iba’t ibang krisis na pinagdadaanan natin ngayon. Kaya dapat lang na ibigay natin ang suportang ito sa ating mga mahihirap na lolo’t lola.

Ayon pa rin sa batas, ang senior citizens na naninirahan sa mga lugar na matinding hinagupit ng kalamidad o apektado ng economic shocks ay makatatanggap ng social safety assistance mula sa calamity funds ng kinabibilangan nilang pamahalaang lokal.

Sa kasalukuyan po, umaabot na sa mahigit 4 na milyon ang indigent senior citizens sa bansa, base pa rin sa datos ng DSWD.