PENSIYON NG MILITAR, NANGANGANIB

NANGANGANIB at maaaring malusaw sa hinaharap ang kasaluluyang ‘Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system’ o sistema ng pensiyon sa mga nasa unipormadong serbisyo kung hindi kaagad ito marereporma para mailigtas.

Ipinahayag ang alarmang ito ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee. Pinuna niyang sa ngayon ay mayroon ng P9.6 trillion ‘unfunded reserve deficit’ ang MUP dahil sa umano’y walang sistema ng masinop na ambag ang kasundaluhan sa pondo ng kanilang pensiyon na higit na mataas kaysa sa sibilyang mga empleyado ng pamahalaan.

Ang problema ay dulot din ng biglang pagtaas ng sahod ng mga sundalo at pulis nitong nakaraan nang walang akmang kaugnay na mga reporma sa kanilang MUP.

“Hindi ito binigyan ng gaanong pansin noon dahil inakalang kontrolado naman ang pensiyon. Ngayon, nakababahala na na ang gastos sa pensiyon para sa unipormadong serbisyo ay higit pa kaysa MOOE, gaya ng unang napansin noong 2018. Nangangahulugan itong higit na malaking bahagi ng taunan nating badyet ang napupunta sa pensiyon ng mga retirado sa halip na pagbibigay ng akmang proteksiyon ang mga nasa aktibong serbisyo,” puna ni Salceda.

Sa ilalim ng lasalukuyang MUP, halos ang lahat ng laan sa pensiyon ay mula sa taunang badyet ng gobyerno. “Nakakatakot na krisis sa pananalapi ang idudulot nito. Kung walang gagawing mga reporma, hindi ito masusustinehan at malulusaw ang MUP na ang gastos ay taunang kakain ng 7.2% ng ekonomiya sa pangmatagalan,” paliwanag niya.

Sinabi pa ng kongresista na higit itong matindi kaysa sa ‘fiscal crisis’ noong 2004 kung kailan nakasama siya sa paghanap ng lunas, at sa ‘global financial crisis’ noong 2008. “Kailangang mabigyan agad ng remedyo ang suliraning ito sa MUP,” ayon kay Salceda na isang respetadong ekonomista.

Inihain ni Salceda nitong nakaraang linggo ang House Bill 9271 na naglalahad ng balangkas sa sistema ng pensiyon ng unipormadong serbisyo na magkatulong na ginawa niya at ng Department of Finance (DOF). Sa liham ni DOF Secretary Carlos Duminguez kay Speaker Lord Allan Jay Velasco, inendorso niya ang bill at hiniling ang suporta ng buong Kamara sa panukalang batas.

Tampok na layunin ng HB 9271 ang mga sumusunod: 1) Pagtigil sa ‘automatic indexation’ ng bayad sa pensiyon na maaaring repasuhin tuwina at taunang dagdagan ng 1,5%; 2) ambag na 21% ng sahod para sa pondo ng pensiyon, gaya ng mga sibilyang kawani ng gobiyerno;
3) Tuwirang pagtatalaga sa 56 taon gulang ang pagtanggap ng pensiyon kaysa sa kasalukuyang mga 20 taon lamang ng maayos na serbisyo; 4) Pagbatay ng pensiyon sa ranggo nang magretiro; 5) Paggamit sa mga ari-arian ng MUP para makadagdag sa pondo ng pensiyon;
6) Paglikha ng MUP Trust Fund Committee para pangasiwaan ang pondo sa pensiyon, at pagtatalaga sa Government Service Insurance System (GSIS) bilang manedyer ng MUP Trust Fund; 7) Paglibre sa MUP Trust Fund sa lahat ng buwis; at 8) Pagbigay ng awtorisasyon sa MUP Trust Fund Committee na lumikha ng mga produktong siguro na tutugon sa mga risgo o panganib na maaaring suungin ng mga nasa aktibong serbisyo.

Batay sa mga tantiya ni Salceda at ng DOF, tiyak na masusustenihan ng pamahalaan ang pensiyon ng mga retirado sa unipormadong serbisyo. “Maliban sa bahagyang lundo sa maigsing panahon, ang ‘public spending,’ kasama na ang gastos sa pensiyon ay makakatulong pa pagpapasigla sa ekonomiya na tinatayang uusad ng 2.1% ngayong taon pataas hanggang 5.8 sa 2030,” dagdag ng mambabatas.

“Kung hindi natin gagawin ang mga repormang ito, malamang wala rin maaasahang dagdag na sahod ang mga kasundaluhan dahil ang pensiyon ay may kaugnayan din sa sahod. Hindi naman tama at patas kung hindi matitiyak ang kanilang pensiyon, kaya ang hindi pagkilos, o kawalang aksiyon sa suliraning ito ay makasasama sa lahat. Kailangang kumilos na tayo ngayon,” giit ni Salceda.

4 thoughts on “PENSIYON NG MILITAR, NANGANGANIB”

  1. 679975 647678As I web-site possessor I believe the content matter here is rattling excellent , appreciate it for your efforts. You should keep it up forever! Good Luck. 186003

Comments are closed.