PENSIYON NG SENIORS ISASALIN NG DSWD SA NSCC

Senior Citizens-6

KASABAY ng labis na pasasalamat ni Congressman Francisco Datol, Jr. sa paglagda ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte upang ma­ging ga­nap na batas ang iniakda niyang Republic Act No. 11350 o National Senior Citizen Commission (NSCC), nilinaw niya na isasalin na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa itatayong NSCC ang pagbibigay ng pensiyon sa lahat ng nakakatanda at tulong sa pagpapali­bing kapag lumabas na ang implementing rules and regulations (IRR) hinggil sa komisyon.

Ayon kay Datol, ang NSCC na rin ang magtatalaga ng lahat ng opisyales ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa buong bansa.

Ang pagkakatatag ng NSCC ay buong-pusong ipinaglaban at isinulong ni Datol sa Kongreso upang mabigyan ng sari­ling tahanan na kakalinga sa kapakanan ng mga nakakatanda.

Ngayon na isa nang ganap na batas ang NSCC, inaasahang matututukan na nang maayos ang pagbibigay ng mga karampatang benepisyo ang lahat ng nakakatanda sa buong bansa na malaya at walang halong politika.

Ayon pa kay Datol, ang nasabing Commission ay pamamahalaan ng isang Chairman at anim na mga Commissioner na pipiliin mula sa mga hanay ng senior citizens organizations sa buong kapuluan.

“Sinisiguro ko sa inyo na magkaroon ng wastong representasyon ang Luzon, Visayas at Mindanao upang ang lahat na benepisyo ay makakarating sa mga nakakatanda sa buong kapuluan,” diin ni Datol.

Nagpasalamat din si Datol kina Senate President Vicente Sotto III at dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo dahil sa kanilang malasa­kit para sa lahat na nakakatanda at naging bahagi sa matagumpay na pagsasabatas ng NSCC.

“Nagpapasalamat din ako sa buhay na alamat ng mga senior citizen na si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi nito ipinagkait ang tunay na diwa at pagkalinga sa mga nakakatandang Filipino sa pagpirma nito upang maging ganap na batas ang NSCC,” ani Datol.

“Sa pagkakatatag ng National Senior Citizen Commission ay maitutu­ring na ang gobyerno ng Filipinas ay tunay na tuma­lima at kumikilala sa lahat ng mga naiaambag ng mga nakakatanda sa pagbuo at pagtayo ng isang matatag na bansa ng siyang naghahanda sa pagprotekta sa kapakanan at kinabu-kasan ng mga kabataan.”