PEOPLE POWER MALABONG MANGYARI- PNP

NANINIWALA si Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na malabong mangyari ang isang “people power” scenario bilang pagtutol sa resulta ng botohan.

Ginawa ni Danao ang pahayag sa gitna ng mga isinasagawang pagprotesta ng ilang mga grupo sa resulta ng bilangan ng mga boto.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Danao na ang resulta ng halalan ay “consistent” sa mga naging resulta ng mga survey.

Aniya, nagsalita na sa pamamagitan ng balota ang mga mamamayan at naniniwala ito na matatanggap ng karamihan ang magi­ging resulta ng eleksyon.

Sinabi pa ni Danao na karapatan ng bawa’t isa na ihayag ang kanilang saloobin subalit pipigilan nila ang anumang grupong makakaabala sa ibang tao at makakapinsala ng mga ari-arian.

Suhestyon ni Danao na sa mga freedom park na lang mag-protesta ang sinumang hindi nasisiyahan sa naging resulta ng eleksyon. REA SARMIENTO