TUMAAS ang halaga ng Personal Equity and Retirement Account (PERA) contributions ng 62 percent noong Setyembre sa likod ng pagdami ng mga Pilipino na nagtatabi ng pera para sa kanilang pagreretiro, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng central bank, ang kabuuan ay pumalo sa P237 million noong Setyembre.
“The noted increase may be attributed to the BSP and partner providers’ promotion of the retirement savings program for Filipino families, especially those working abroad,” pahayag ng BSP sa isang statement.
Ayon sa central bank, sa third quarter ay may kabuuang 4,001 PERA contributors, kung saan 2,827 ang full time employees, 590 ang self-employed at 584 ang overseas Filipino workers.
“We continue to actively promote financial security and encourage more Filipinos to plan for retirement and set aside funds for their sunset years through PERA,” ani BSP Governor Benjamin Diokno.
Aktibong isinusulong ng BSP ang PERA, o ang voluntary retirement savings program bilang karagdagan sa umiiral na retirement benefit na ipinagkakaloob ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at private employers.
Ang sinuman na may Tax Identification Number ay maaaring maging PERA contributor.
Maaaring makuha ng PERA contributors na umabot ng 55-anyos at nakapag-invest sa PERA ng hindi bababa sa limang taon ang kanilang investments na tax-free.