PERA NA MAY MUKHA NG MGA BAYANI ‘DI PA IDE-DEMONETIZE

WALA pang plano ang Bangko Sentral ng Pilipinas na i-demonetize ang kasalukuyang Philippine currency bills na nagtataglay ng mukha ng mga bayani at dating presidente.

Ayon sa BSP, ang kasalukuyang paper banknotes ay tatanggapin pa rin kasama ang bagong polymer banknotes, na nagsimula nang mag-circulate kahapon, December 23.

Sinabi ni BSP Assistant Governor Mary Anne Lim na ang bagong polymer banknotes ay ilalabas sa limitadong dami ngayong buwan at daragdagan sa darating na mga buwan.

Sa kabila nito, ang pag-iimprenta ng kasalukuyang banknotes na may mukha ng mga kilalang Pilipino ay hindi ihihinto.

Binigyang-diin ni Lim na ang parehong paper notes na nagtatampok sa mga bayani at sa mayamang biodiversity ng bansa sa pamamagitan ng ating flora at fauna ay kapwa mahalaga at dapat kilalanin.

Nauna rito ay binatikos ng August Twenty-One Movement (ATOM) ang desisyon ng BSP na alisin ang mga bayani at dating presidente sa banknotes.

Ayon sa ATOM, ang mga Filipino hero ay hindi dapat tanggalin sa pera ng Pilipinas.

Ang bagong banknotes, na pormal na tinatawag na First Philippine Polymer Banknotes Series, ay nagtatampok sa Philippine flora at fauna sa halip ng mga karaniwang   Philippine heroes o dating mga lider.

Ang series ay kinabibilangan ng 50, 100, 500 peso bills, na karagdagan sa 1,000 peso bill na inilunsad noong 2022.