(Pera ng paluwagan naisauli) SOBRENG MAY LAMAN NA P50K NAPULOT NG SIDECAR DRIVER

CAVITE- ISANG sidecar driver ang hinangaan ngayon matapos niyang isauli sa tunay na may-ari ang sobreng puti na may lamang P50,000 na napag-alamang pera pala ng paluwagan.

Kinilala ang binatang 42 anyos na sidecar driver na si Roger Estolano Drio, mas kilala sa Tramo sa katawagang “Wakwak”, residente ng Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite.

Mahigit isang dekada nang nakikilabas ng sidecar sa Kalye Tramo si Wakwak at masayang kumikita ng halagang P300 bawat araw.

Sa panayam ng may akda kay Wakwak, ganap na alas-7:45 ng gabi nitong Abril 6 habang naghihintay ng pasahero ay nakita nito ang sobreng puti na nakatiklop sa gitna ng kalye.

Maraming tao na rin ang dumaan at nilagpasan ang naturang sobreng puti.

Inakala rin niyang baka napkin lang ang naturang sobreng puti. Kaya nag-aalangan pa siyang pulutin ito.

“Ilang minuto rin ang lumipas bago ko pinulot ito. Iniisip ko kasi baka napkin lang at baka pagtawanan ako kung pupulutin ko. Laking gulat ko na lamang ng lapitan ko ay sobreng puti pala na may lamang pera na puro lilibuhin”, kuwento ni Wakwak.

Bagaman hirap sa buhay si Wakwak ay hindi sumagi sa isipan nito na pag-interesan ang pera.

Umibabaw ang katapatan at takot sa Diyos kaya’t nais nitong isauli ang pera sa tunay na may-ari.

“Ilang sandali lang ay may isang ginang na tila balisa at may hinahanap sa kalsada. Nang tanungin siya ni Ate Sally Panganiban kung ano ang hinahanap niya, sabay tugon na nawawala raw ang kanyang pera na nakalagay sa sobreng puti”, dagdag na kwento ni Wakwak.

Kinilala naman ang may-ari ng pera na si May Buenaflor, tubong Tanza, Cavite at isang Head Supervisor sa kumpanyang IM Tech sa EPZA.

“Maraming-maraming salamat kay kuyang driver dahil isinauli niya ang nawawala kong pera. Maluha-luha ko siyang niyakap ng mahigpit… Sobrang bait niya… Kung hindi dahil sa kanya baka mag-abono ako dahil pera ito ng paluwagan”, salaysay ni Ginang Buenaflor.

Hindi na sumagi sa isip ni Buenaflor na maisasauli sa kanya ang pera. Dahil sa dami ng taong dumaraan sa Tramo.

Kaya ganun na lamang ang yakap niya at pasasalamat kay Wakwak nang maisauli ang nawawalang pera.

At ‘not once, but twice’ na nangyari na nakapulot ng pera si Wakwak, taong 2022 ay nakapulot din siya ng halagang P12,000 at isinauli rin niya ito sa tunay na may-ari.

Kilala si Wakwak sa Tramo na mabait, magaling makisama at may ginintuang puso sa kapwa.

At nangangarap din siyang magkaroon ng sariling sidecar.
SID SAMANIEGO