“ANG mabuting pangalan ay mas maiging piliin, kaysa malaking kayamanan…”, Kawikaan 22:1
Isang bersikulong tumutugma sa mabait na 45-anyos na tricycle driver na si Allan Abanilla Aprao, residente ng Brgy. Bagbag-I, Rosario Cavite matapos na magsauli ng pitaka sa kanyang naging pasahero kamakalawa ng umaga.
Ang laman ng pitaka ay P5,500 cash, atm, gcash card, co. id, prc id, at reseta ng gamot.
Agad ipinagbigay alam ng tricycle driver kay Brgy. Kagawad Joseph Policar at Brgy. Capt. Willy Cuello ang pagkakapulot sa pitaka.
Nang tingnan ang pitaka ay nakita doon ang kontak number ng may-ari ng pitaka. Kaya agad itong tinawagan.
Masayang lumuluha ang may-ari ng pitaka matapos na makatanggap ng tawag at ipaalam sa kanya na nasa pangangalaga na ng opisyal ng Brgy. Bagbag-I ang kanyang nawawalang pitaka.
Kinilala ang may-ari ng pitaka na si Registered Nurse Kristine Abueg, residente ng Brgy. Julugan Tanza, Cavite.
Isang company nurse sa kumpanyang Hayakawa Phils sa loob ng EPZA.
“Pambili ko sana ng gamot ung pera sa pitaka kaya may reseta dun. Tapos andun pa ang mahahalagang id’s ko tulad ng atm, gcash card, co. id, at prc id. Sobra talaga akong nagworry, mabuti na lang napakabait ni Kuyang Driver at isinauli niya ang pitaka ko sa kanilang barangay. Maraming salamat talaga kay Kuyang Driver… At sa mga barangay opisyal ng Brgy. Bagbag-I, maraming-maraming salamat din po sa inyo”, kuwento ng registered nurse na si Kristine.
Taong 2019 nang mag-umpisang maghanap-buhay bilang tricycle driver si Aprao na kumikita ng P500 pataas kada araw para buhayin ang kanyang asawa at dalawang anak na parehong nasa kolehiyo na at kumukuha ng kursong Office Administration at Information Technology.
“Alam kong hahanapin ito ng tunay na may-ari kaya kailangan ko talagang isauli ito sa kanya. Hindi ko naman ito pag-aari kaya dapat lang na ibalik ko ito sa kanya”, paglalahad ni Aprao.
Ito ang unang pagkakataon na makapulot ng mahalagang bagay si Aprao kaya’t ganun na lamang ang kanyang pagkamangha sa pagkakatuklas nito sa loob ng sarili niyang tricycle.
“Sa mga kapwa ko tricycle driver, alam ko na iisa ang ating adkhikain sa buhay para sa ating mga pasahero. Patuloy natin silang bigyan ng magandang kwento. Isauli natin ang anumang bagay na aksidenteng naiiwan nila sa ating trycycle”, mensahe ni Aprao.
Samantala, pinuri naman ng opisyal ng Brgy. Bagbag-I sa pamumuno ni Brgy. Capt. Cuello ang kabutihang ipinamalas ng tricycle driver na si Aprao sa kanyang naging pasahero.
Sa darating na Father’s Day, gusto sana ni Allan na i-treat ang kanyang asawa at dalawang anak na kumain sa masarap na kainan.
SID SAMANIEGO