(Perang nahulog pambili ng bangka) HONEST TRIKE DRIVER NAGSAULI NG P30K

“NOT once, but twice.”

Sa pangalawang pagkakataon, muling nagsauli ng pitakang may lamang pera ang 50- anyos na tricycle driver na si Martin Rosal na naninirahan sa Brgy. Muzon 1, Rosario, Cavite.

Ganap na alas-11:24 ng umaga nang mapulot ni Martin ang pitakang naglalaman ng P 30,000.

Laking tuwa at pasasalamat ng pasaherong babae nang maibalik sa kanya ang pera na pambili sana ng segundamanong bangka.

“Hindi ko naman pag-aari ang pera na iyon kaya marapat lamang na maibalik ang pera sa tunay na may-ari. Alam kong sobrang nag-aalala ang taong iyon. Karangalan ko bilang tricycle driver ang mapaglingkuran ang mga pasahero ng maayos at tapat”, madamdaming wika ni Martin.

Si Martin ay 20 taon ng pumapasada ng tricycle at kasalukuyang aktibong miyembro ng Wawa Shortcut Costa Verde TODA.

“Bilang kapwa tricycle driver ay saludo at bilib kami sa pagiging tapat ni Martin. Kumalat sana ang katulad niya.

Itinaas niya ang kalidad ng mga kapwa namin tricycle driver”, pagmamalaki ng Reymar Cupino.
Magugunitang noong Disyembre 2022 ay nakapulot at nagsauli rin si Martin ng isang mahalagang bagay.

Si Martin ay binansagan ngayon ng mga kapwa niya tsuper bilang Mister Honest Man.
SID SAMANIEGO