PERANG PADALA NG OFWs

MULING bumagsak ang cash remittance ng Filipino migrant workers noong Agosto, ayon  sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa ulat ng central bank,  ang perang padala ng overseas Filipino workers ay bumaba ng 0.9 percent noong Agosto ng kasalukuyang taon sa  $2.48 billion mula sa $2.5 billion na naitala sa kaparehong buwan noong 2017.

Dahil dito ay umabot ang kabuuang  OFW cash remittance sa unang walong buwan ng taon sa $19.06 billion, mas mataas lamang ng 2.5 percent sa $18.6 billion noong 2017.

Sa pagtaya ng pamahalaan ay magkakaroon ng average na 4 porsiyentong pagtaas sa remittances para sa 2018. Ang Agosto ang ikatlong buwan para sa 2018 kung saan bumaba ang remittance inflows. Noong Marso, ang remittances ay bumagsak ng 9.8 percent habang naitala ang 4.5 percent decline noong Hunyo.

Ayon sa BSP, ang pagbaba noong Agosto ay dahil sa pagbagsak ng remittances mula sa United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia at Qatar.

Naunang sinisi ng central bank ang repatriation program ng pamahalaan sa pagbaba ng remittance sa mga naunang buwan.

Sa unang dalawang buwan ng 2018, may kabuuang 4,149 OFWs ang na-repatriate mula sa UAE, Saudi Arabia at Kuwait. BIANCA CUARESMA

Comments are closed.