PEREZ , DYIP MASUSUBUKAN VS BEERMEN

CJ PEREZ

Mga laro ngayon:

(Cuneta Astrodome)

4:30 p.m. – Columbian vs San Miguel

7 p.m. – Rain or Shine vs NLEX

MASUSUBUKAN ang galing ni NCAA superstar CJ Perez sa kanyang unang pagsabak bilang bagong lider ng Columbian Dyip sa pakikipagtipan sa defending champion San Miguel sa PBA Philippine Cup ngayon sa Cuneta Astrodome.

Pangungunahan ni Perez ang opensiba ng Car Assemblers kontra Beermen sa alas-4:30 ng hapon bago ang sagupaan ng Rain or Shine at NLEX sa alas-7 ng gabi.

Bilang prolific at versatile player, umaasa si coach Johnedel Cardel na gigiyahan ni Perez ang Columbian tungo sa itaas at tuluyan nang mabura ang tatak na ‘tail-ender’ kung saan tumapos ang kopona na kulelat (1-10) sa katatapos na Governors Cup.

Hindi nangangako si Perez subalit sinabi na gagawin niya ang lahat para maiangat ang record ng Columbian at ihanay ang kanyang pangalan sa mga bigating manlalaro.

“I will play hard and give all my best in every game to help my team win games,” sabi ni Perez, na makakatuwang ang mga beterano at  apat na rookies, kasama si JRU hotshot Bernabe Teodoro.

Tiyak na mapapalaban si Perez kontra sa top gunners ng SMB, sa pangunguna ng bagong recruit na si Terrence Romeo.

Lamang ang SMB man-for-man at tiyak na gagamitin ni coach Leo Austria ang lahat ng bentahe  laban sa pinalakas na Columbian.

Target ni Austria ang ika-5 Philippine Cup title at ika-7 sa kabuuan magmula nang hawakan ang San Miguel noong 2015.

Ang opensiba ng Beermen ay pangu­ngunahan  nina Romeo, Chris Ross, Arwind Santos, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot,  habang sina five-time MVP June Mar Fajardo at Filipino-German Christian Starhardinger ang nasa low post para hindi maka-penetrate ang Dyip.

Ang bakbakan ng RoS at NLEX  ay hindi lang labanan ng dalawang koponan kundi ng mga coach nito na sina Yeng Guiao at Caloy Garcia.

Si Garcia ay matagal na naging assistant ni Guiao sa Rain or Shine bago lumipat nang huli sa NLEX.

Maglalaro ng Road Warriors na wala si ace gunner Kiefer Ravena na  pinagsisilbihan ang 18 buwang suspensiyon ng FIBA matapos gu­mamit ng enhancing beverage.    CLYDE MARIANO

Comments are closed.