PANGUNGUNAHAN ni Columbian Dyip ace CJ Perez ang koponan ng Filipinas na sasabak sa FIBA 3×3 Olympic Qualifying Tournament sa Bengaluru, India sa susunod na buwan.
Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), makakasama ng 6-foot-1 do-it-all player sa koponan ang isa pang PBA player na si Moala Tau-tuaa ng San Miguel Beer at ang dalawang amateurs na sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol.
Sina Munzon at Pasaol ay top two players sa FIBA 3×3 individual men’s rankings, at kinokonsidera silang ‘shoo-ins’ dahil sa patakaran na nag-aatas sa mga koponan na magpasok ng hindi bababa sa dalawang players na nasa Top 10 sa domestic rankings.
Samantala, sina Tautuaa at Perez ay bahagi ng Gilas 3×3 team na nagwagi ng gold medal sa kauna-unahang Southeast Asian Games 3×3 event noong nakaraang Disyembre.
Ang mga player ay pinili alinsunod sa rekomendasyon ng SBP Selection Committee na binubuo nina SBP executive director Sonny Barrios bilang chairman, at coaches Jong Uichico, Pat Aquino, Ronnie Magsanoc at Eric Altamirano.
Pinili rin ng SBP sina Santi Santillan at Karl Dehesa bilang reserves.
Sina Santillan at Dehesa, tulad nina Munzon at Pasaol, ay nasa Top 10 Filipino 3×3 players din.
Si Stefan Stojajic ang magiging head coach ng Gilas 3×3 squad.
Ang FIBA 3×3 OQT ay gaganapin sa Marso 18-22.