PEREZ TOP CONTENDER SA MVP RACE

KAUNA-UNAHANG Best Player of the Conference at PBA Finals MVP para kay CJ Perez sa season-opening Commissioner’s Cup.

Isunod na kaya ng San Miguel Beer star ang breakthrough MVP award?

Ayaw muna itong isipin ni Perez, at sinabing kung darating ito ay darating ito.

Sa ngayon, ang pagwawagi ng ikalawang sunod na kampeonato para sa sweep sa Season 48 ang pangunahing nasa isip niya.

Next conference championship ulit sana,” wika ng guard mula sa Lyceum ilang sandali makaraang tapusin ng Beermen ang best-of-seven title series laban sa Magnolia, 4-2.

‘Yun ang isang idadagdag ko sa goal ko at sa listahan ko.

Si Perez ay naging emerging franchise player para sa Beermen ngayong season sa likod ni seven-time MVP June Mar Fajardo.

Sa wakas ay nasungkit niya ang BPC award matapos maging consistent contender mula noong una siyang lumahok sa liga noong 2018 bilang  no. 1 overall pick ng Terrafirma.

At may average na 18 points, 3.8 rebounds, 2.8 assists, at 3.2 steals sa title series, tinalo ng 30-year-old na si Perez sina Fajardo at Jericho Cruz upang tanghaling PBA Press Corps-Honda Finals MVP winner.

Nalimitahan sa apat na puntos lamang sa first half, si Perez ay nagpasabog ng  24 points sa huling dalawang quarters at isinalpak ang malaking three pointer, may 48 segundo ang nalalabi, upang tulungan ang Beermen na maitakas ang dramatic 104-102 comeback win sa title-clinching Game Six. Tumapos siya na may  28 points sa 9-of-15 shooting, kabilang ang  3-of-5 mula sa arc.

Ang dalawang major individual awards na kanyang napanalunan ay muling naglagay sa kanya sa pagiging top contender sa MVP race.

Gayunman, nakatutok si Perez sa pagwawagi ng isa pang championship. At mula roon ay titingnan niya ang susunod na mangyayari.

I never dreamed about sa sariling award. Kung darating, darating siya,” aniya.

I’ve been in that line for like five years na. Dumating siya ngayon, so I’m just grateful and I am so blessed na dumarating siya ngayon, and I’ll never stop working.”