Mga laro bukas:
(University of San Agustin Gym)
4 p.m. – Nxled vs Farm Fresh
6 p.m. – Chery Tiggo vs Choco Mucho
LUMAPIT ang Creamline sa pagwalis sa elimination round makaraang malusutan ang Akari sa apat na sets, 26-28, 25-14, 25-23, 25-22, sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Nagbuhos si Tots Carlos ng 23 points, kabilang ang dalawang blocks, para sa Cool Smashers na nanatiling walang talo matapos ang 10 laro, at pinahigpit ang kanilang kapit sa top spot.
Tinapos naman ng Chargers ang kanilang kampanya na may 5-6 record para manatili sa seventh place.
Sa unang laro ay naitala ng Galeriea Tower ang kanilang unang panalo makaraang pataubin ang Gerflor, 18-25, 24-26, 25-23, 25-18, 15-11, sa duelo ng last-placed teams.
“Thank you, Lord at ibinigay sa amin ‘yung first win namin sa conference. They earned it naman eh. Talagang pinaghirapan nila,” sabi ni Highrisers coach Lerma Giron.
“We started very slow. ‘Yung first two sets talagang akala namin masi-straight sets kami. Pero good thing is alam naman natin yung ladies na talagang lalaban at lalaban. Yun nga lang, nagpapabugbog hanggang sa dulo, magta-trabaho ng todo. Pinaghirapan nila ang bawat puntos,” dagdag pa niya.
Umaasa ang Galeries Tower na matikas na tapusin ang kanilang maiden conference laban sa Creamline sa huling araw ng preliminaries sa Martes.
Gumawa si Roma Joy Doromal, na pumasok sa second set, ng 3 blocks at 2 service aces upang tumapos na may 15 points habang kumana rin si Andrea Marzan ng 3 blocks para sa 14-point outing para sa Highrisers.
Tumapos si Fhen Emnas na may 13 excellent sets, karamihan sa huling dalawang sets, habang nanguna sina libero Juliet Catindig at Raprap Aguilar sa floor defense ng Galeries Tower, na may 20 at 11 digs, ayon sa pagkakasunod. Nagtala rin si Catindig ng 11 receptions.
“Masasabi ko lang sa teammates ko, nasubukan kasi yung katatagan. Hindi passion to eh, katatagan na lang eh. Yung gusto talaga manalo,” sabi ni Emnas.