KAKAIBANG regalo ang nais nating maibigay sa ating mahal sa buhay. Kaya’t marami sa atin ang hinahalukay ang isipan makapag-isip lang ng maganda at kapaki-pakinabang.
Kunsabagay, ayaw rin naman nating magbigay ng kung ano-ano lang. Siyempre, dapat din nating isipin kung magagamit ba ito ng makatatanggap. Kumbaga, sa pagpili ng regalong ibibigay sa kahit na sino—kaibigan man iyan, kapamilya o katrabaho, bukod sa mapapangiti mo ang kanilang puso at labi, magagamit pa nila ang iyong ibinigay.
Tunay nga namang hindi basta-basta ang pagbibigay ng regalo lalo na’t gusto nating mapasaya ang ating pagbibigyan. Wala nga namang magbibigay ng regalo ng basta-basta lang.
Sa kris kringle nga kahit na 50 pesos lang ang halaga niyan, pinag-iisipan pa nating mabuti kung ano-ano ang ating ibibigay na magiging kapaki-pakinabang sa pagbibigyan.
Hindi lang naman kasi presyo o pagiging branded ang kailangan nating isaisip sa pagbili ng regalo—sa kaibigan man, katrabaho o kapamilya. Importante na galing sa puso ang iyong ibibigay. At siyempre pa, mainam din kung mapakikinabangan ito ng iyong pagbibigyan.
At dahil laging pinag-iisipan ng marami sa atin ang bibilhing regalo, narito ang ilang perfect gifts sa mga estudyante na tiyak na mapakikinabangan nilang mabuti:
LIBRO
Una siyempre sa ating listahan ang libro. Sa mga kagaya kong napakahilig sa libro, isa ito sa lagi kong inirerekomendang ipanregalo sa kahit na sino, bata man iyan o matanda.
Hindi naman sa ipinangangalandakan ko ang kagustuhan ko sa libro kundi upang maengganyo ko ang mga taong malalapit sa akin na mahalin at kahiligan din ang pagbabasa.
Hindi nga naman mabilang ang benepisyong naidudulot ng libro sa marami sa atin, lalong-lalo na sa mga estudyante.
Kaya naman, ngayong holiday at isa ka sa nag-iisip ng swak na regalo para sa mahal mo, subukan na ang pagbibigay ng libro.
Maraming choices din naman ang puwedeng pagpilian sa mga bookstore. Kung wala ring gaanong budget, puwede ka ring bumili ng second hand book. Marami ka rin namang mapagpipiliang maganda at maayos kahit pa sabihing second hand ito.
DIARY, NOTEBOOK O PEN
Marami ring estudyante ang mahilig sa diary, notebook at pen. Kaya naman, isa sa magandang ipanregalo ngayong holiday ang mga nabanggit.
Pagdating din naman sa design ng diary, notebook at pen, napakarami mong puwedeng pagpilian mula sa kulay hanggang sa laki nito. Hindi nga lang naman iisang style, design at kulay ang mayroon ngayon sa merkado kundi sandamakmak na makapagpapalito sa iyo.
Sa pagbili naman ng ganitong klaseng regalo, isipin naman kung ano ang magugustuhan ng iyong pagbibigyan. Kung ang ibibigay mo halimbawa ay pen, puwede kang bumili ng gel pen kung mahihilig siya sa makukulay.
Abot-kaya lamang din naman sa bulsa ang mga ganitong klaseng panregalo kaya’t hindi ka mabibigatan.
Higit sa lahat, magugustuhan din ito ng iyong pagbibigyan. Swak din kasi ito sa bata o kaya naman teenager. Maging mga matatanda nga ay mayroon o gumagamit pa rin ng mga ito hanggang ngayon.
Kumbaga, hindi lamang sa estudyante ito puwedeng ibigay kundi kahit kanino.
WATER BOTTLE
Maganda rin ang pagreregalo ng water bottle. Sa panahon nga naman ngayon na sobrang daming ginagawa ng marami sa atin—mapaestudyante man o empleyado, kung minsan ay nakaliligtaan natin ang pag-inom ng tubig.
At para mapanatiling hydrated ang katawan ng iyong mahal sa buhay, kaibigan o katrabaho, maaari mo silang bigyan ng water bottle na maganda ang kulay at swak dalhin sa kahit na saan.
Hindi na rin mabilang ang mga design, kulay at laki ng water bottle na maaaring pagpilian sa panahon ngayon.
Bukod sa nakapagbigay ka na ng regalo, natulungan mo pang maging healthy ang iyong pagbibigyan.
BAG
Bag, isa pa iyan sa napakagandang regalo sapagkat lahat naman tayo ay gumagamit nito. Hindi mo nga naman masasabing itatambak lang ang ganitong klaseng gamit dahil maraming Filipino—mapababae man o lalaki ang nahihilig sa paggamit ng bag.
Kaya, kung nag-iisip ka ng magandang regalo, isang option o tips ang pagbili ng bag. Tiyak kasing mapakikinabangan ito.
Ilan naman sa bag na puwede mong pagpilian ang backpack, sling bag at hand bag.
NOISE CANCELLING HEADPHONES
Bawat estudyante rin, kung minsan ay naiinis kapag maingay ang paligid lalo na kung nag-aaral sila.
May ibang nakapag-aaral ng leksiyon kahit maingay ngunit ang iba, hindi magawang makapag-concentrate.
Kunsabagay, mahalaga nga namang nakapagre-review ang bawat estudyante para maging handa sila sa eskuwelahan.
Para magawa ito ng kahit na sinong estudyante sa kahit na ano ring panahon at pagkakataon, isa namang swak ibigay sa kanila ang Noise Cancelling Headphones.
Tiyak na makatutulong ito sa kanila.
Sa totoo lang, napakaraming puwedeng iregalo o ibigay sa mga estudyante na talagang mapakikinabangan nila. Basta’t sa pag-iisip lang ng regalo, una ay alamin kung ano ang hilig nila. Dahil mula sa pag-alam kung ano ang kinahihiligan nila, marami ka nang maiisip na maaaring ibigay sa kanila. Ikalawa ay ang kapakinabangan ng iyong ibibigay. Gaano ba ito magagamit ng iyong pagbibigyan. At pangatlo, dapat ay magtagal ito nang maging sulit naman ang iyong ipinambili. Sabihin mang hindi ikaw ang gumagamit, masarap pa rin sa pakiramdam iyong napakikinabangan o nagagamit ng matagal ng iyong niregaluhan ang ibinigay mo.
Pagmamahalan at pagbibigayan ang diwa ng Pasko. Pero mas magiging makabuluhan ito at masaya kung galing sa puso at mapakikinabangan ng ating pagbibigyan ang regalong kanilang matatanggap.
Tandaan ding hindi mahalaga kung mahal o mura ang iyong ibibigay basta’t bukal ito sa iyong loob.
Comments are closed.