PERFECT RECORD ITATAYA NG BOSSING VS ROAD WARRIORS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4:30 p.m. – Blackwater vs NLEX)

7:30 p.m. – Terrafirma vs Phoenix

MULA sa pagiging isa sa perennial cellar-dwellers, ang Blackwater ay isa ngayong unbeaten leader.

Malalaman ngayon kung mapananatili ng Bossing ang kanilang walang dungis na marka sa pagsagupa NLEX Road Warriors sa PBA Philippine Cup sa PhilSports Arena.

Nakatakda ang laro sa alas-4:30 ng hapon.

Sa kabila ng magandang simula ng kanyang koponan, batid ni Blackwater coach Jeffrey Cariaso kung ano ang dapat gawin ng kanyang tropa upang mapigilan ang NLEX na umangat sa  4-1, at mapantayan ang pinakamagandang simula ng Dioceldo Sy-owned franchise na 4-0 sa 2018 Governors’ Cup.

“So far, it’s a good start (but) we’re staying humble, we’re staying focused ’cause we know how quick things can turn,” sabi ni Cariaso. “So we’ll just gonna continue working hard.”

Partikular na tinukoy ni Cariaso ang kanilang depensa,  na nagpanalo sa kanila laban sa traditional powerhouses Meralco at  TNT, gayundin sa Converge noong nakaraang Miyerkoles, nang lumamang ang Bossing ng hanggang 35 points bago naitakas ang  90-78 panalo.

“We put our premium and our focus on how we like to defend and we’re not perfect,” ani Cariaso. “There’s a lot to improve on, especially… when we make subs. We want to maintain that same intensity and focus.”

Matapos ang laro kontra Blackwater ay papasok ang NLEX sa mahabang break.

“Pinaplano naming maigi dahil after this Blackwater game we have a three-week break,” ayon kay coach Frankie Lim, na ang koponan ay sa April 6 pa muling sasalang laban sa Magnolia.

“Mahirap mag-isip ng talo for three weeks,” dagdag ni Lim. “Maganda roon you have three weeks galing sa panalo.”

Ang mapigilan si Robert Bolick ang tiyak na pangunahing prayoridad ng Blackwater.

Si Bolick ay galing sa career-and franchise-high 46-point explosion sa 115-93 pagbasura sa  Converge noong nakaraang Sabado, upang maitala ang league-leading 32.5 ppg, bukod sa 5.75 rebounds at  6.3 assists.

Bagama’t pinapurihan ang pamamayani ng kanyang prized guard, sinabi ni Lim na ang labis na pagdepende kay Bolick ay may hindi magandang idudulot kung ang iba pang  Road Warriors ay hindi mag-deliver.

“Kailangan nilang mag-step up and contribute. At least for now, nagagawa ni (Rob) Herndon at saka ni (Jhan) Nermal, Enoch (Valdez),” dagdag ni Lim. “Pero we need everybody on the same page dahil delikadong kalaban ang Blackwater ngayon.”

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magsasalpukan ang Phoenix at Terrafirma.

CLYDE MARIANO